Tuesday, March 23, 2010

Final Paper: Hinggil sa Wika

Kung ikaw ay tatanungin, mahal mo ba ang iyong bansang Pilipinas? Marahil, iyong sasabihin na mahal mo ang Pilipinas at sa katunayan nga ay tinatangkilik mo ang mga gawa sa Pilipinas mapa pagkain man o mapamateryal na bagay. Ngunit malabong masambit mo na mahal mo ang Pilipinas dahil ginagamit mo ang wika ng bansa. Nakakatawa ngang isipin, ayon pa sa isang kanta, ang hindi daw magmahal sa sariling wika ay higit pa ang amoy sa mabahong isda. Eh paano iyon? Halos lahat tayo ay amoy isda?

Mayaman man o mahirap, isa lang ang hangarin sa buhay, ang maging mataas sa lipunan at makipagsabayan sa pag-unlad ng samu’t saring bagay sa kanilang paligid. Lahat tayo ay naghahangad ng magandang buhay. Gusto nating yumaman. Gusto nating makarating sa ibang bansa at hindi man natin aminin sa sarili natin, gusto nating matutong bumigkas at umintindi ng wikang banyaga. Kung tutuusin, ibang iba talaga ang pagtingin at paghanga ng mga Pilipino sa mga taong magaling mag-Ingles. Para bang kapag magaling kang mag-Ingles ay magaling ka na ding mag-isip.

Pamula pa noong panahon ng Kastila ay nakitaan na ng mga mananakop ng potensyal ang katutubong lenggwahe ng Pilipinas kaya naman ito agad ang kanilang pinaginterasan. Nalaman nilang ang komunikasyon ang susi sa matagumpay na pananakop at pagpapalaganap ng Kristyanismo. Ang mga Pilipino naman noon, palibhasa ay hindi pa gaanong malakas ang kumpyansa sa sarili nilang bigkasin, ay mabilis na napasunod ng mga banyaga. Gayunpaman, dahilan na din sa maraming lipi ng mga Pilipino at iba’t ibang pinagmulan ay naging mahirap para sa mga Kastila na pag-aralan ang wika natin.

Subalit, nang dumating na ang mga Amerikano, walang kahirap hirap nitong naibida sa mga Pilipino ang wikang Ingles. Ito ay sa kadahilanang mismong mga kapwa nating mga Pilipino ang naglulunsad ng pagsulong sa paggamit ng Ingles. Paano mo masusugpo ang isang kaisipan kung mismong ang mga taong pinagkakatiwalaan mo at mga taong nasa posisyon para ipaglaban ang bansa ay nagtataglay ng tiwaling isipin? Paano ka matuto ng tama kung mali ang ipinapakita sa’yo? Sabi nga ni Atienza sa kanyang pagsusuri hinggil sa wika, “Ang suliranin ngayon sa wika ay hindi kung ano ang pambansang wika at kung paano ito bubuuin, bagkus ay kung papaano mapagiisa ang sambayanang Pilipino sa pamamagitan ng wika, o paano magagamit ang wika bilang sandata ng masang Pilipino laban sa imperyalismo, pyudalismo at burukratang kapitalismo.” Ang pahayag na ito ay mahirap makamtan kung ito ay magsisimula sa isang sunud-sunurang pinuno. Sa aking palagay, ito ay magiging epektibo lamang kapag nakita na ng pinuno ang wika bilang isang sandata ng pag-unlad at hindi lamang bilang tagapag-ugnay nang bawat isa. Ika nga sa panulat ni Atienza, “Anumang kilusan sa wika sa ating bansa ay nararapat magtaglay ng pagtanaw sa hinaharap ng sambayanang Pilipino.”

Kung kaya’t sa pakikiisa natin sa halalan sa Mayo, at sa pagpili natin sa magiging pangulo ng bansa, wag tayong masilaw sa ningning at wag tayong padala sa tamis ng mga pananalita. Maging kritikal, maging obhetibo. Piliin natin ang kandidatong hindi lang basta matalino, magaling o kahanga hanga sa pagsambit ng mga balakin, datapwat iyong kandidatong hindi mayabang, hindi puro salita at hindi amoy isda.


Manto, Katrizia Anne

No comments:

Post a Comment