Tuesday, February 2, 2010

Alyansa

“…In a society based on private property and the enslavement of millions of property less toilers by a handful of rich people, the government cannot be anything but the loyal friend and ally of the exploiters and the most reliable guardian of their power,” --- A Valuable Admission, Vol. 5 pp. 81-82

Hindi maipagkakaila na ang globalisasyon ang sentro ng atensyon sa isang naghihirap na bansa tulad ng Pilipinas na kasali sa tinatawag na “Third World Countries” sa Ingles. Ang globalisasyon ay nakapokus sa antas ng pangdaigdigang ekonomiya at mga plano sa pagpapaunlad nito.
Sa Pilipinas, gagawin lahat ng pamahalaan para lamang makasabay sa proseso ng globalisasyon kahit pa lumuhod ang Pilipinas sa mga nangungunang bansa makamit lamang ito. Halimbawa na lamang ang edukasyon sa bansa kung saan pinagtitibay ng pamahalaan ang paggamit ng banyagang wika dahil ito daw ay “nagpropromote ng global competitiveness” ng mga Pilipino sa iba’t ibang aspeto. Ito raw ay makakatulong lalo na sa pagkakaroon ng mga trabaho ng mga tao sa loob at labas ng bansa. Ang resulta? Napapabayaan natin mismo ang sarili nating wika kung saan ang Filipino ay nagiging pangalawang wika lamang. Kung tutuusin bakit nga ba tayo kailangang mag-aral ng wikang banyaga partikular na ang Ingles? Kung susuriing mabuti ang Ingles ang tinatawag na “universal language” at may hawak rin ng titulo bilang pinakamaimpluwensyang wika sa buong mundo sa ngayun dahil sa tinatamasang yaman ng mga bansang may wika nito katulad ng Amerika. Kaugnay nito, ang pag-aaral nito ay nangangahulugang solusyon sa pagtaas ng ekonomiya ng bansa. Pansinin na ditto rin pumapasok ang konsepto nang kung sino ang mayroong hawak ng kapangyarihan kung saan Ingles ang naghaharing wika.
Sa ating lipunan, hindi maikakaila na ang mga makapangayrihan ay ang mga taong nabibilang sa matataas o naghaharing uri ng lipunang Pilipino. Ito ay mga kadalasang negosyante na may-ari ng mga malalaking kompanya at gayun din naman ang mga nakaupo sa pwesto sa gobyerno. At dahil nga sa paghahangad ng bansa na makasabay sa proseso ng globalisasyon, isa sa mga ginagamit ng gobyerno upang makamit ito ay ang pakikipagalyansa sa mga negosyante sa loob at labas ng bansa. Kung maraming negosyo, maraming tax na makukuha ang gobyerno. Ang mga negosyanteng ito ang mayroong kapangyarihan at kapasidad na magpatakbo at magbukas ng mga negosyo na kinakailangan ng maraming mga Pilipinong mangagawa kaya naman pumapayag ang gobyerno sa kagustuhan ng mga nakakataas na uri sa lipunan. Binibigyan ng gobyerno ng daan ang mga negosyanteng ito na magtayo ng kanilang mga negosyo para daw mas mabigyan ng mga trabaho ang mga Pilipino. Ngunit ang hindi nila nakikita ay ang mga negatibong bahagi nito. Halimbawa na lamang sa konteksto ng paghahanap ng trabaho kung saan ang diploma ang labanan bukod sa kakayanan ng aplikante ng trabaho. Syempre mayroong dagdag puntos kung magaling sa wikang ingles, nagmula sa sikat na mga kolehiyo sa Pilipinas at idagdag pa kung mayroon pa siyang mas mataas na pinag-aralang Masters Degree ar Doctorate Degree. Bumabatay ang karamihan sa malalaking kumpanya sa antas ng pinag-aralan ng isang aplikante. Resulta, nag-aaral ang karamihan ng ilang taon sa kolehiyo upang magpakadalubhasa sa isang kurso upang makakuha ng diploma. Pagkatapos noon, sino ang nakikinabang sa mga taong iyon? Hindi ba ang mga negosyante din o mga miyembro ng mga nakakataas ang uri dahil sila ang may kapasidad upang bayaran ang pinag-aralan mo kapalit ng isang maganda at maayos na serbisyo. Isa pang magandang halimbawa ang mga nasa call center kung saan nagpapakapuyat ang mga call center agents at nagsisipag-aral at nagsisipagkadalubhasa sa iba’t ibang wikang banyaga makakuha lamang ng mataas na sweldo mula sa mga internasyunal na kompanyang ito na ang nakikinabang ay hindi naman mga Pilipino.
Sa huli, sino ang prumoprotekta sa mga nagosyanteng ito kakataas na ito kundi gobyerno din dahil sila mismo ay nakikinabang sa grasyang tinatamasa ng mga naghaharing uri.

Jhoanna Marie A. Del ponso

No comments:

Post a Comment