Tuesday, February 2, 2010

Gobyerno, Sandigan ng Bayan o ng mga Gahaman?

“In a society based on private property and the enslavement of millions of propertyless toilers by a handful of rich people, the government cannot be anything but the loyal friend and ally of the exploiters and the most reliable guardian of their power.”

Sinasabing ang gobyerno, bukod sa may kapangyarihan itong magpatupad ng mga batas, ay may ginagampanan ding papel upang makapaghatid ng katiwasayan at kaayusan sa bansa. Ngunit sa mismong sipi mula sa “A Valuable Admission” ni Lenin ay sadyang kabaliktaran ang inilalarawang imahe ng isang gobyerno. Sa halip na makatulong at maging sanhi ng pagsulong ng bansa ay ito pa mismo ang nag-aambag sa mga nagaganap na gulo at pang-aapi sa mga tao. Binabanggit nga ni Lenin na ang gobyerno ay kakampi at tapat na kaibigan ng mga mayayaman. Maliban pa sa pakikipanig sa mga mayayaman ay pinoprotektahan din nito ang hindi makatarungang sistema ng labis na pagkakamkam ng mga ari-arian habang marami ang naghihirap at inaagawan ng mga bagay na dapat sana ay para sa mga taong higit na nangangailangan.

Sa lagay ng Pilipinas masasabing nangyayari rin ito, dahil sa tinagal-tagal ng panahon ay pareho pa rin ang dinadaing ng mga tao sa gobyerno ngunit hindi pa rin ito nabibigyan ng karampatang solusyon. Ang mga mayayaman na siyang bumubuo sa pinakamaliit na porsyento ng populasyon ay patuloy na yumayaman, samantalang ang nakararami o ang mahihirap ang patuloy namang lumulubog sa kahirapan. Hindi maitatangging may kinalaman ang gobyerno sa nangyayaring ito. Mapa-dyaryo, telebisyon, radyo, atbp., nailalantad ang ginagawang pagprotekta nito sa mga pribadong negosyo (gaya na lamang ng pag-import ng iba’t ibang produkto, pagprotekta sa mga sugalan, droga, at marami pang iba.) Ang higit pang ikinilala ng sitwasyon, ay hindi lamang basta-bastang may pangalang mayayaman ang gumagawa nito kundi pati mga pulitiko o mismong mga tao sa gobyerno. Sila rin ay mga panginoong may lupa, may-ari ng mga negosyong malalaki (legal man o ilegal), at kung anu-ano pang mga ari-ariang nagkakahalaga ng higit pa sa dapat nilang kitain. Kaya naman hindi rin nakapagtataka kung bakit ang mga batas ay makikitaan ng butas lalung-lalo na kapag nasasangkot sa naturang batas ang kanilang mga pag-aari (at pati ang sa kanilang mga “kaibigan.”) Hangga’t maaari, mamanipulahin nila ang batas upang manatili sa kanila ang mga bagay na mayroon sila ngayon, o kung hindi man ay upang kumita pa rin sila. Ilan lamang sa mga kongkretong halimbawa nito ay ang tungkol sa hindi maayos na pamamahagi ng lupa, at ang pagbebenta ng mga ari-arian sa gobyerno dahil sa apektado ito ng ginagawang kalsada.

Ang gobyerno at ang mayayaman ay kapwa nakikinabang sa isa’t isa upang mapangalagaan ang kani-kanilang interes, hindi nila naiisip kung ano ang makakabuti sa lahat. Kung magpapatuloy ang ganitong klase ng pamumuno sa bansa, mayroon pa kayang mabuting aasahan ang mga tao? Maituturi pa ba itong sandigan ng bayan? Sa kasamaang palad, ang maliwanag na sagot sa mga katanungang ito ay wala, at hindi.

No comments:

Post a Comment