Thursday, December 3, 2009

Ang kinabukasan ng wikang Filipino

Maganda ang naging pagtalakay ni Ostler sa kanyang librong 'Empires of the Word' ng pag-aanalisa ng kinabukasan ng mga wika sa mundo partikular sa Ingles. Naging mapangahas siya sa pagbibigay ng opinyon sa kung ano ang magiging kalagayan ng mga pangunahing wika ngayon sa hinaharap. Naging malinaw kay Ostler na alam niyang ang wika ay nagbabago at ito ay depende pa rin sa tao.
Naging partikular si Ostler sa Ingles dahil sa ito ang wikang may pinakamaraming tagapagsalita bilang pangalawang wika at ito rin ngayon ang wika ng globalisasyon. Sinasabi ni Ostler na ang Ingles ay hindi rin magtatagal bilang wikang may pinakamaraming tagapagsalita ibatay man ito sa populasyon o sa popularidad. Para sa akin ay matapang ang argumentong ito dahil nga sa lawak ng saklaw ng Ingles (at nang popularidad nito sa iba't ibang bansa).
Kung akin namang gagawan ng pag-aanalisa sa kung ano ang magiging kinabukasan ng wikang Filipino sa mundo—kung ito man ay magiging isa sa mga pangunahing wika sa mundo o matatabunan ba ng ibang wika—magbibigay rin ako ng mga punto o batayan sa aking bawat argumento.
Kung pagbabatayan ang bilis ng paglaki ng populasyon ng Pilipinas, migrasyon at ang unti unting pagiging kilala nang ating bansa dahil sa iba't ibang kadahilanan, masasabi kong maaaring tumaas ang bilang nang tagapagsalita ng Filipino sa buong mundo. Kung sa ngayon ito ay nasa ika-51, maaaring tumaas ito sa ika-45. Nalaman kong sa mga bansang Estados Unidos, Australya, Kanada, Saudi Arabia, United Arab Emirates, Hapon at Nagkakaisang Kaharian ay mayroon ding mga tagapagsalita ng Filipino.
Hindi natin maaaring pagbatayan ang politikal dahil sa ang ating opisyal na wika ay hindi eksklusibo sa Filipino; impluwenysang ekonomikal at militar dahil sa hindi magandang kalagayan ng bansa ngayon; at ang tinatawag ni Ostler na prestige: ang kaugnayan ng wika sa kayamanan at kaginhawaan.
Naniniwala akong magkakaroon nang isang malaki o maraming unti unting kaganapan na makapagbabago sa estado ngayon ng wikang Filipino sa mga susunod na panahon. Ang tangi kong nakikitang problema ay ang pagtingin natin sa ating sarili; dahil marami mang mga Pilipino ang nasa iba't ibang bansa na makapagbibigay sa atin ng oportunidad na maibahagi ang ating wika, kung hindi naman natin ito gagamitin dahil sa kahihiyan natin na makilala bilang Pilipino, ay wala ring mangyayari. Sa aking palagay, kaya lumawak ang saklaw ng Ingles ay dahil sa ang mga tagapagsalita nito ay bilib sa kanilang wika. Nasa ating pagka-Pilipino ang susi. Kailangang makita ng iba na maganda at makulay ang ating wika at kultura. Hindi tayo dapat basta bastang gagamit ng ibang wika na papasok sa ating bansa.
Naniniwala akong wala mismo sa wika ang makapagsasabi nang kanyang kapalaran—wala sa istruktura, bokabularyo o gamit—nasa mga tagapagsalita pa rin ito at sa kulturang kakabit nito.


Galfo, Honeylen Mei C.
2007-53918

No comments:

Post a Comment