Thursday, December 3, 2009

Pananaw 1

Ang kasaysayan ng mga wika ay kasaysayan ng walang humpay na mga pagbabago. Ito ay masasalamin sa kumplikadong ebolusyon ng ilang mga wika maging sa ilang serye ng paglitaw at paglubog ng ng ito hanggang sa mas kumplikado pang pagkakagrupo at distribusyon ng mga ito. Sa ganitong kalagayan, tiyak na hindi maiiwasan ang ilang posibilidad hinggil sa mga wika maging sa konteksto ng Pilipinas lalo pa at ang pagbabago sa wika ay may malaking kaugnayan sa kolonyalismo at ang Pilipinas ay isang mala-kolonyal na bansa sa ilalim ng Imperyalistang US.
Ngunit ang pagpasok ng kolonyalismo sa usaping ito ay hindi nagangahulugan ng pagbabagong mat kinalaman sa tuluyaang paglamon ng Inggles, na siyang wika ng mananakop, sa Filipino kundi ang kasalungat nito—ang Pilipinisasyon ng wikang Inggles. Sa akda ni Ostler, nabanggit ang posibilidad ng mas malawakang paglago ng mga bagong wika sa mg abagong lupain o mga nasakop na lugar na maaaring ring magbunsod ng ilang pagbabago sa anyo nito. Sa katunayan, maaaring maimpluwensyahan ang wika ng kolonyador ng orihinal na wika ng mga tao sa kolonya na maaaring magdulot ng modipikasyon ng wika o kahit pa pormal na pagkakatatag ng panibagong denominasyon nito.
Sa aking palagay, maaring hindi lamang mganap ang mga pagbabagong tulad nito sa pambalarila at pambokabolaryong antas ng wika. Maari ring magkaroon ng rehistrasyon ng panibagong lohika ng paggamit ng wika. Isang magandang senyales sa kontekston ito ay ang ilang isyu na may kinalaman sa paggamit ng mga idyomang Inggles. Bagaman mali sa teknikal na aspeto, maituturing pa ring may punto sa ilang banda. Isang magandang halimbawa rito ay ang talamak na gamit ng mga Pilipino ng result to imbes result in. Ayon kay Dr. Rosalina Bumatay-Cruz ng Department of English and Comparative Literature, ito ay bunga ng mas pagkagamay ng mga Pilipino sa lohikang sanhi-bunga
kaysa presentasyon muna ng bunga saka ang pakilala sa sanhi.
Pagdating naman sa pagbigkas, maaaring magkaroon din ng malawakang pagtanggap sa tunog ng Inggles kahit pa malayung-malayo ito sa tunog pang-BBC o kung ano pa man na mas sosyal umano sa pandinig. Ito ay dahil sa posibilidad na dumating sa panahong makapagtatag na rin ang mga Pilipino ng sariling punto na di na hahamakin ng karaihan bilang “tunog kalabaw.” Gaya na lamang ng naganap sa Wikang Portugues ng Brasil na kapansin-pansin mang kaiba sa tunog ng awtentikong Portugues ay tinatanggap pa rin bilang tama. Bakit nga naman kasi kapag banyaga ang nagsasalita ng Inggles, kahit pa man mas masahol ang tunog sa ilang mga Pinoy, mas pinapanigan pa rin ang mga ito ng nakararami bilang “mas magandang pakingggan?” Samantala, sa dako naman ng bokabolaryo, hindi rin naman malayong magkaroon ng ilang adapsyon lalo pa at talamak ang panghihiram sa kasaysayan ng mga wika sa mundo. Bakit ang Australia, may sariling Inggles at may sariling bokabolaryo?
Samakatuwid, kung malinaw nga sa kwento ng mga wika sa mundo ang ilang pagbabago na naganap kahit pa gaano ito kaimposible sa una, hindi nga malayong makalikha ang mga Pilipino ng sariling Inggles na malay natin aymaituring pang isang pormal na sanga ng wika lalo pa kung darating ito sa punto na panghihina dahil sa pagsadsad ng pagkaprestihiyoso nito dala ng krisis at ilan pang kaganapang pumuputol sa magagandang asosasyon sa wikang ito.
Sa kabilang banda, may posibilidad rin naman na kasabay ng paghina ng Wikang Inggles dahil ilang mga salik gaya ng naunang nabanggit ay yumabong naman ang Wikang Filipino. Maliban sa paglobo ng populasyon sa Pilipinas, maaari itong maganap dahil sa tumataas na antas ng migrasyon ng mga Pilipino sa iba't ibang panig ng mundo. Maaari ring sa paglubog ng Imperyong US kasabay ng pagsadsad nang tuluyan ng ekonomiya nitong makapagbabawas sa pangangailangang aralin ang Inggles bilang wika, maaaring sumubok ng iba pang mga wika ang mga banyaga para aralin at salitain. Gayunpaman, magaganap lamang ito kung magiging matagumpay ang mga Pilipino sa paggawa ng magandang marka sa lipunan na maaaring makapagdala ng magagandang asosasyon sa kulturang Pinoy na sapat lamang upang gawin itong prestihiyoso.
Ngunit ano pa man ang maganap sa Wikang Filipino, tiyak na darating ang panahong hihina rin ang Wikang Inggles bagaman malabo ang tuluyang pagkamatay nito.


Roemina G. Deocareza
BA Creative Writing / 2008-30936
Filipino 128 WFV
Disyembre 2, 2009

No comments:

Post a Comment