Thursday, December 3, 2009

Pananaw 2

Kakaiba ang naging pagtalakay ni Nicholas Ostler sa The Languages: Today and Tomorrow. Kung si David Crystal ay tiningan ang wika bilang isang usaping pang-agham na kailangang ibukod sa maraming klasipikasyon at hanapan ng tiyak na pinagmulan, si Nicholas Ostler naman ay naging mas mapangahas sa kanyang prediksyon sa bawat wika ng mundo, gamit ang pagkiling sa sinasabing “Asian century”, na base rin naman sa pagsusuri niya sa kasaysayan—paglago at pagbagsak ng mga wika, partikular na ang mga imperyo ng nagdaang panahon.
Kaugnay nito, ipinakita ni Ostler ang posibleng kahinatnan ng wikang Ingles at mga katutubong tagapagsalita ng Ingles. Ayon sa kanya, maaaring ang Ingles nga ang praktikal na preperensiya higit sa iba pang wika dahil sa ito ang wika ng pakikipagkalakaran, ngunit ang baton ng kapangyarihan ngayon ay papapunta na sa Asya at hindi maikakailang pabagsak na ang Estados Unidos. Ang pattern ng pakikipagkalakaran ay nag-iiba na. Sinabi niya na ang wika ng mundo ay sumusunod lamang sa diktang ekonomikal at pulitikal, dahil sa ang mga tao lalo na ang mga makapangyarihan ay gagamitin ang wikang higit na makapagbibigay ng kapakinabangan (instrumental attachment ).
Ibig niyang sabihin, mas magiging mabuti kung tingnan na ngayon ang Ingles na may pagpapangila (scepticism)—kaiba nang malaki kaysa sa Ingles na nakagisnan natin na siyang isinunod sa puro o katutubong Ingles. Ayon kay Ostler, ang Ingles ng kasalukuyang panahon ay ang Ingles na isinasalita na ng mga Indian, Arabo, Tsinoy, Hapon, Singaporean, Malay, at iba pang bilingwal na tagapagsalita nito, dahil nga hindi na ang Amerika o Europa ang may hawak ng mundo, pabagsak na sila. Ang kaparehong pagtingin na ito ni Ostler ay makikita sa The New Asian Hemisphere ni Kishore Mahbubani at mga artikulong What the East can Teach ni Sreya Ray, English in Decline as a First Language, study says ni Stefan Lovgren, at Native English it losing its power ni Indrajit Basu
Nakita rin ni Ostler na katulad ng Latin ay maaaring maging isang extant language na lamang ang Ingles. Dahil sa ang magiging pangunahing tagapagsalita nito ay ang mga bilingwal na indibidwal, siguradong hindi maiiwasan ang paghahalo-halo ng iba’t ibang salita sa Ingles, lalo na’t ang diskurso ngayon ay bilingwal sa bilingwal. Maaaring pagmulan ito ng pag-usbong ng mga panibagong wika sa daigdig, na ang wikang Ingles bilang ama.
Samakatwid, ang kontrobersyal na EO 210 ng Pangulong Gloria Macapagal Arroyo ay isang malaking kakitiran ng utak dahil unang una, ang pagbabago ng linguwistikong ayos ng mundo ay isang malinaw na pagpapakitang dapat nang itapon ang sistema ng edukasyon na nakatuon sa ‘pagka-pangunahin’ ng Ingles. Oo, walang masama sa pagpapaunlad ng kakayahan ng mga Pilipino sa pagsasalita ng Ingles. Sa totoo lang, mabuti nga ito dahil sa mananatili pa rin naman ang Ingles bilang wika ng pakikipagkalakaran. Iyon nga lang, hindi nakikita ng pamahalaan na ang wikang Ingles ngayon ay bukas na sa kahit anong pamamaraan ng paggamit at pagsasalita nito. Gayunpaman, patuloy pa rin ang pagsulong ng mga lider sa maka-Kanlurang Ingles. Hindi nila nakita na ang Ingles na umaangat ngayon ay ang varyasyon ng Ingles ng mga Asyano—at malapit nang matapos ang tradisyunal na Ingles. Ang idinidikta ng panahon sa ngayon ay ang Ingles na may pantay na katayuan sa mga katutubong wika (dahil ito naman nga ang trend sa mga bansa sa Asya, hindi ba?). Kabaliktaran nga lang ang nangyayari sa Pilipinas ngayon dahil sa patuloy ang pagkitil ng mga mambabatas sa wikang Filipino. Pansinin na lamang ang ‘mother tongue policy na biglang kinabitan ng EO 210. Walang masama sa mga ito at sa totoo nga’y makabubuti pa nga kung sana lamang ay ibinalanse ang EO 210 sa mother tongue policy at Konstitusyon 1987. Kaya nga lang, sinobrahan ang lawak sa gamit ng Ingles, at lahat ng sobra ay nakasasama.
Napakahalagang ipantay ang antas ng Ingles-Filipino (o mas makabubuti pa kung itataas ang antas ng Filipino kaysa Ingles) dahil sa ang wikang katutubo ay ang wika ng tunay na pagkatuto. Kung papansining mabuti, ang mga karatig bansa sa Asya ay umaangat dahil ang mga tao doon ay aral. Aral sa katuturang maalam at mahusay sila sa larangan ng matematika, agham, teknolohiya, at kasunod na lamang sa mga ito ang kakayahan nilang makapag-Ingles. Kahit nga ang mga bansang hindi marunong umIngles (katulad ng Hapon at Hilaga at Timog Korea), ay angat na angat pa rin dahil sa hindi matawarang kalidad ng matematika, agham, at teknolohiya sa kanilang bansa. Ang nais kong ipakita dito ay ang kahalagahan ng pambansang wika sa pagpapaunlad ng isang bansa—dahil ito ang nararapat na wika ng agham, matematika at tekonolohiya upang makalinang ng mga produktibo at mahusay na indibidwal sa mga naturang larangan, na mag-aangat ng bansa.
Hindi wikang Ingles ang katugunan sa problema ng bansa. Ito pa nga ang nagbibigay ng problema sa bansa dahil sa pinipigil nito ang pagsulong ng nararapat sanang pagkatuto ng mga kabataan—dahil sa wala naman talagang natutunan ang mga Pilipinong mag-aaral kung hindi Ingles, Ingles, Ingles. Ang nararapat na gamitin sa pagtuturo ay wikang Filipino nang maintindihan at maisapuso ng mga mag-aaral ang kasaysayan, agham, matematika, teknolohiya—at saka na lamang isunod ang Ingles kapag hindi na pulpol ang mga mag-aaral. Bakit pa ba hindi tayo matuto-tuto sa mga bansang Hapon, Korea, Tsina, Singapore, Malaysia, Indonesia, at marami pang iba na nagsipag-Ingles lang nang maayos na ang sistema ng pagtuturo sa agham, matematika, at teknolohiya?
Kailangang-kailangang gamitin ang wikang Filipino hindi lamang dahil sa tawag ng pagkatuto, kundi maging dahil sa tinatawag nating Filipino diaspora. Dahil sa ang mga Pilipino ay nagkalat-kalat na sa iba’t ibang bahagi ng daigdig at patuloy pang magkakalat-kalat, ang posibilidad ng pagkamatay ng wikang Filipino ay napakalaki: ibang wika na ang gagamitin nila sa pangaraw-araw at malamang-lamang na hindi na maipasa sa mga anak o apo o kaapo-apuhan ang kaalaman nila ukol sa wikang Filipino. Kung titingnan nga ang pananaw ni Ostler tungkol sa demographics kaugnay ng kapangyarihan ng wika, talaga ngang delikado na ang wikang Filipino dahil napakakaunti lamang ng populasyon ng tagapagsalita ng wikang Filipino…at nagsisilabas pa ng bansa.
Kung titingnang maigi, napag-iiwanan na nga talaga ang Pilipinas. Kahabag-habag lang talaga na tayong mga Pilipino ay walang kamalay-malay sa mga pangyayari sa paligid. Ngunit may 50 taon pa naman para humabol. Isang mabuting paraan ay ang pagsisimula ng isang Mandarin institute o department sa mga pamantasan, para humubog ng mga indibidwal na may kakayahan—may mahusay na kakayahan—na umangkop sa Tsina, ang susunod na imperyo ng mundo.
Sa kabila na napakaraming suliranin, paano kaya talaga tayo makahahabol sa pag-angat ng Asya?

Ruth Barrientos

No comments:

Post a Comment