Sunday, December 6, 2009

Ano ang inyong fearless forecast hinggil sa mga wika sa Pilipinas, partikular ang Ingles at Filipino?

May dalawa akong kasagutan ukol sa katanungang ito na ibabatay ko sa magiging takbo ng lipunang Pilipino at maging ng kahihinatnan ng mundo sa mga darating na taon. Isa sa mga pinakaimportanteng lalamanin ng sagot ko ang pagkakaroon ng lipunang pagbabago sa paraang rebolusyonaryo o maaari rin namang matagal pa itong mangyayari na sa tingin ko’y isang malaking puwersa upang mabago ang estado ng paggamit ng wika sa bansa. Una kong isasalaysay ang kahihinatnan ng mga wika sa Pilipinas at ng wikang Ingles na ginagamit sa bansa. Sa panahon ngayon litaw na litaw na ang pangangalampag ng iba’t ibang grupong kumukondena sa pamahalaang pinatatakbo ng imperyalistang Amerikano na pinamamahalaan ng mga pasistang papet ng bansang ito. Ika nga mala-kolonyal at mala-piyudal kung tutuusin ang bansang Pilipinas dahil sa mga puwersang humahawi upang matutong makatayo ng tuwid ang ekonomiya ng ating bansa. Saad nga sa aklat na Lipunan at Rebolusyong Pilipino hindi makakamit ng bansa ang tunay na pagbabago at pagsasarili kung ang mga puwersang ito ang kumukontrol sa atin. Kung magtagumpay man ang mga grupong nagsusulong ng demokratikong rebolusyong bayan laban sa mga puwersang ito ay magiging isang daan upang bumangon na ang bansa kasabay ng pagpapagamit ng mga wika sa Pilipinas bilang mga wikang tatak ng ating mayaman na kultura. Isinusulong din kasi nito ang rebolusyon hindi lamang sa pulitika at ekonomiya kundi pati na rin sa kultura o tinatawag na cultural revolution. Itinatangi na tanging kulturang Pilipino kasama na ang mga wika ang dapat ginagamit ng mga Pilipino marahil kasama na rito ang nakatakdang pambansang wika na Filipino. Kung gayon magiging maunlad na uli ang paggamit ng mga wikang indigenous dahil mismong ang gobyerno na ang magtataguyod ng ganitong programa

Ngunit kapag hindi nagtagumpay ang demokratikong rebolusyong bayan magiging isang bansa tayo na mawawalan ng maraming wika kasama na ang Filipino sa dahilang ang Ingles na lamang ang pangunahing gagamitin. Saad nga ni Nicolas Ostler mayroong tatlong sangkap kung bakit ang Ingles ang patuloy na itinatanging lingua franca sa mundo mayroon daw kasi itong populasyonng gagamit ng wika, ang posisyon nito bilang wikang ginagamit sa pandaigdigang merkado at pagnenegosyo at higit sa lahat ang pagiging prestihiyoso ng wika. Sa pagkakaroon ng konotasyon ng pagiging prestihiyoso ng Ingles nalalantad ang hindi na pantay na pagtingin ng tao sa wika at kaakibat na nito ang pagiging isang matalino, mayaman at kabilang sa mga may kinabukasan sa mundong dinodomina ng mga bansang nagsasalita ng Ingles. Ngunit ayon na nga rin kay Nicolas Ostler maging ang Ingles ay walang ligtas na maging isang wikang makalimutan na ng mga taong gamitin. Kung ganito ang kahihinatnan magiging isang bansa tayong gagaya na lamang ng wika at gamitin ito sa pang-araw-araw na pamumuhay. Nawalan na tayo ng sariling wika, nawalan pa tayo ng identidad at maging ng bansa. Ayon nga kay Propesor Campoamor, masyado nang mahaba ang buhay ng Amerika ,pangunahing bansang Ingles ang sinasalita, bilang isang imperyo kaya naman ayon din kay Nicolas Ostler kung nasa tuktok na wala nang ibang daan kundi ang bumaba. May iba’t iba siyang pinunto kung paanong babagsak ang wikang Ingles isa nga rito ay ang pagbaba ng populasyon ng mga taong nakakapagsalita ng Ingles dahil sa epidemya, pinupunto niya rin ang pagbabago ng lipunang magisip bilang isang malayang estado at pagtatakwil sa mga dayuhang konsepto gaya ng Ingles dahil bebenepisyuhan lamang nito ang mga mayayaman at may kayang mamamayan. Isinaad niya rin na ang Ingles na ginagamit sa ibang bansa ay maaaring magbago at magsibol pa ng bagong pamilya ng mga wika. At ang pinakamahalaga sa lahat ang kontrol nito sa ekonomiya ng mundo na ang pagbagsak ng ekonomiya ng Amerika ay may kaakibat na epekto sa pagbagsak ng wika nito. Sa mga paktor na ito iisa lang ang mayroon ang Pilipinas at ang populasyon na may kahinaan din upang makalimutan natin ang wika.Sa aking pagsusuma magiging barko ang Pilipinas na paalon-alon sa dagat na gagamit na lamang ng wikang itatakda ng makapangarihang mga bansa.


Hans Kevin R. Madanguit

No comments:

Post a Comment