Tuesday, December 22, 2009

Ugnayan: Wika at Masa

Kapag sinabing wika, marahil ang unang pumapasok sa isipan ng isang tao ay mga salita o kataga, diyalekto, tunog, at iba pang may kinalaman sa tipikal na kahulugan nito. Sa kabilang banda, ang hindi naiisip ng karamihan ay ang grupo ng mga tao sa lipunang gumagamit nito at kung paano ito nangingibabaw o ‘di kaya naman ay pilit na sinasapawan. Ito ay dahil madalas ding naihihiwalay ang pag-aaral ng wika sa mga nangyayaring tunggalian ng mga uri sa lipunan. Ngunit paano nga ba dapat pag-aralan ang wika? Ito ay sa pamamagitan ng makamasang pag-aaral dito (ayon nga kay Mao).

Nangangahulugan lamang itong dapat tuklasin hindi lamang kung ano ang umiiral na wika, kundi ang umiiral ding mga tunggalian sa lipunan at sa pwersa ng produksyon. Kung baga, maikakabit ang ganitong pag-aaral sa dialektikal-materyalismong pananaw (na konsepto ni Marx). Ang wika ay isa lamang bunga ng kalagayang panlipunan, kaya naman mayroong tinatawag na wika ng mga elit o burges, at wika ng masa o walang kapangyarihan. Ang makamasang pag-aaral ay nangangahulugan din ng pagtingin sa pagkakaiba ng wika depende sa gumagamit nito (ang masa at ang elit) –mula sa mga salita, pangungusap, maging sa kahulugan, paraan, at kung bakit ganito ang paggamit nila ng mga ito. Sa madaling salita, mula loob hanggang sa labas na aspekto ng wika ay nahihimay at naaanalisa nang maigi sa pag-aaral na ito.

Bukod pa sa pagtuklas ng mga bagay na ito hindi ibig sabihing dapat itong matapos bilang isang pag-aaral lamang, kaakibat din dapat nito ang pagbibigay halaga at pagsusulong sa kung ano ang wika ng nakararami –ang tunay na wikang dapat na naghahari sa isang lipunan.


-Morales, Deidre R.

No comments:

Post a Comment