Sunday, December 6, 2009

Ang Pambansang Wika ay Kopya mula sa Isang Wikang Banyaga

Sa artikulo na isinulat ni Nicholas Ostler naging mapangahas siya sa pagsuri at pagaanalisa ng mga ideya patungkol sa wika sa mundo kumpara sa papel ni David Crystal na mas sumentro lamang sa pagbibigay ng mga pangunahing datos ng mga wika sa mundo (hal.lukasyon, mga nagsasalita, populasyon at iba pa). Binalikan ni Ostler ang nakaraan ng isang wika upang maanalisa at maikonekta ito sa kasalukuyang estado na tinatamasa nito. Gamit ang ganitong paraan, nagawa niyang makapagbigay ng mga eksaktong halimbawa na nakapagbigay naman ng mga konkretong ideya sa mga posibleng mangyari sa iba't ibang wika ng mundo sa hinaharap partikular na sa Ingles.
Sinimulan ni Ostler ang diskusyon sa pamamagitan ng paglalahad sa pinanggalingan ng dalawampung nangungunang wika sa mundo na sinasabi niya ay nagsimula ang mga ito sa Asya o sa Europa. Ayon din sa kaniya, mayroong dalawang klasipikasyon ang wika, una ang tinatawag niyang `Organic growth' o mga wika na lumalaki sa pamamagitan ng pagtaas ngpopulasyon at pangalawa ay ang mga wikang umunlad sa pamamagitan ng `merger and acquisition' (pagsasama-sama at pagkuha) tulad ng nangyari sa Pilipinas sa pamamagitan ng pagsakop ng iba't ibang bansa noon.
Naniniwala ako sa nasabi ni Ostler na isa ang Populasyon sa mga rason sa pagbabago ng estado ng isang wika. Sa populasyon pa lamang matutukoy na natin kung ano ang kasalukuyang estado at mga posibleng mangyari sa isang wika sa hinaharap. Simple lamang ang logic dito, kung malaki ang populasyon ng isang bansa na nagsasalita ng isang partikular na wika ibig sabihin lamang ay malaki ang tiyansa ng wika na umunlad at magtagal dahil marami ang gumagamit nito, ngunit kung paubos na ang populasyong gumagamit nito, kasabay din nito ang pagkamatay ng partikular na wika dahil sino pa ang magsasalita at gagamit nito kung wala ng may alam?
Sa kabilang banda, alam natin na sa kasalukuyang panahon kung saan sentrong usapin ang globalisasyon, hindi maipagkakaila na ang Amerika ang may hawak ng titulo na pinakamakapangyarih ang bansa sa buong mundo. Alinsunod sa penomenang ito, kasabay ng tinatamasang karangyaan at kapangyarihan ng bansa, ang kanilang wika na Ingles ay nakikinabang din sa tinatamasa ng bansa. Ngunit ating iisipin hindi lamang basta basta nakuha ng Amerika ang kanilang estado bagkus napasakamay nila ito sa pamamagitan ng pagpapalakas ng pwersa, pagpapaganda ng ekonomiya, pangunguna sa proseso ng globalisasyon at kahit sa pagamit ng kanilang wika sa pagyuyunipika ng bansa upang lalo itong tumibay. Malakas lamang ang wikang Ingles dahil malakas ang mga nasyon na gumagamit nito. At dahil sa tinatamasang karangyaan ng wikang ito, marami sa mga bansa tulad na lamang ng Pilipinas ang nagaaral at nagpapaunlad sa wikang ito na may layuning na makasabay o makapantay sa proseso ng globalisasyon. Kulang na nga lamang ay gawing Ingles din ang pambansang wika ng Pilipinas dahil mas binibigyan pa ito ng prayoridad sa sistema ng edukasyon ng bansa. Ngunit katulad ng napagdiskusyunan sa klase, ang lahat ng wika ay nagbabago kasabay ng pagdaan ng panahon. Maaaring ang wikang Ingles ngayon ang nangunguna dahil malakas ang mga bansang gumagamit nito, ngunit naniniwala ako na hindi panghabambuhay ang ganitong sitwasyon. Maaring sa mga susunod na mga taon, unti-unting mapantayan ng mga nangungunang bansa ang ekonomiya ng Amerika sabayan pa ng dagdag populasyon ng isang bansa baka maungusan pa ang wikang Ingles. Sa panahon ding iyon, sa aking palagay sasabay muli ang Pilipinas sa pag-aaral ng wikang banyaga na mangunguna dahil madalas tayo ay gumagaya lamang sa kung ano ang uso sa kasalukuyan at ni minsan hindi nakikita na ang isa sa posibleng solusyon sa problema ng pagkakaisa sa bansa ay ang pagsisimula sa pagpapaunlad ng sariling wika at hindi pagkopya sa iba.


Jhoanna Marie A. Del Ponso

No comments:

Post a Comment