Thursday, December 3, 2009

Pananaw 5

Ang wika ay napaka-natural o palasak na para sa mga tao dahil ginagamit ito sa iba’t ibang pagkakataon; maaaring para sa pagpapahayag ng saloobin, o sa interaksyon sa kapwa, pagtala ng mga datos, at marami pang iba (na nabanggit ni David Crystal). Ngunit dahil sa pagka-palasak nito sa mga tao, karamihan ay hindi naman na inaalam pa kung kalian o kung saan nagmula ang wikang kanilang sinasalita. Bukod pa rito, hindi rin naiisip ng marami ang hinaharap ng mga wika. Kung mayroon mang nagbibigay pansin dito, masasabing iilan lamang sila, at isa na rito si Nicholas Ostler. Ayon kay Ostler, ang Ingles bilang pangalawa sa Top Twenty Languages ay maaaring matulad sa wikang Latin na itinuturi ng patay. Kung ganito ang posibilidad ng kahihinatnan ng wikang malawakang ginagamit sa iba’t ibang bahagi ng mundo, paano pa kaya ang mga wika sa Pilipinas na hindi kabilang sa may pinakamaraming bilang ng nagsasalita?
Kung titingnan ang lagay ng bansa, makikitang ang wikang pangunahing pinalalaganap ay ang Filipino at Ingles. Ang Filipino ay karaniwang ginagamit sa pang-araw-araw na pakikipag-usap ng maraming Pilipino, at ito rin ang wikang naiintindihan sa iba’t ibang parte ng bansa (kahit pa hindi ito ang kinagisnan o unang natutuhang wika.) Sa kabilang banda, ang Ingles naman ay binibigyan din ng malaking papel lalo na bilang isang “medium of instruction” sa mga paaralan, bilang isang rekisito para sa ilang mga trabaho, sa mga usapang nagaganap sa senado o kongreso, at marami pang iba. Maliban sa dalawang wikang ito, mayroon pang mga rehiyunal na wika ang bansa, subalit hindi naman gaanong napapansin ang ilan sa mga ito lalo pa kung ito ay wika ng mga grupong etnikong nakatira sa malalayong lugar.
Sa mga wikang ginagamit sa bansa, masasabing mananatili pa rin sa hinaharap ang Filipino at ang Ingles. Sa ngayon, mas “exposed” ang mga tao sa mga wikang ito lalo pa at ito ang ginagamit ng media. Ang Ingles ay masasabing hindi basta-basta na lamang mawawala o makakalimutang gamitin sa kadahilanang simula noong pananakop ng mga Amerikano hanggang sa kasalukuyan ay tingin ng maraming Pilipino na isang superyor na wika ang Ingles (kahit hindi naman dapat). Tinitingnan ang mga marurunong nito bilang magagaling at matatalinong tao. Bukod pa rito ay pinapaboran din ng mga nasa kapangyarihan ang paggamit nito upang makasabay sa globalisasyon. Kaya naman ang mga bata ay tila hinahasa sa pag-Iingles kaysa sa sariling wika upang makapagtrabaho sa ibang bansa o sa mga call centers. Ganito man ang estado ng Ingles sa bansa, ang Filipino naman ay may pag-asang manatili pa rin dahil sa hindi pa ito tuluyang napapangibabawan ng wikang Ingles kahit pa mas itinuturing bentahe ang pagiging maalam sa banyagang wikang ito. Marami pa rin ang nagsasalita ng Filipino at hangga’t mayroong gumagamit nito ay patuloy itong magbabago at uunlad dahil sa kakayahan nitong makiayon sa pagbabago ng panahon. Kung kaya nitong makapagdagdag ng bokabularyo ngayon (hal. mula sa ibang mga wika) ay maaaring makakayanan pa ring manatili at magtagal ng wikang ito.
Mamamatay lamang ang Filipino kung hahayaan ng mga taong maisantabi ito at mas pahalagahan ang ibang wika. Ayon nga kay David Crystal, “If a language dies out, it does so because its status alters in society, as other cultures and languages take over its role.” Sa madaling salita, nasa lipunan din nakasalalay ang magiging kapalaran ng mga wika sa bansa. Kung mas paiiralin ang paggamit ng Ingles, malamang ay mamamatay rin ang mga wikang kakaunti lamang ang nagsasalita dito sa bansa, at kung tumindi pa ang alyenasyon ng mga tao ay kaya nitong patayin kahit pa mismo ang wikang Filipino.

No comments:

Post a Comment