Sunday, December 6, 2009

Pananaw 9

Maituturing nating esensyal na bahagi ng buhay ng tao ang wika. Sa pamamagitan ng wika nagagawa nating ipahayag ang ating mga sarili at saloobin. Sa tulong rin ng wika ay nagagawa nating episyenteng makisalamuha sa iba pang tao o grupo ng mga tao. Dahil dito, masasabi nating mayroong direktang epekto at ugnayan ang wika at lipunan—kabilang ang mga tao at mga relasyon sa loob nito. Ganoon pa man, hindi taliwas sa atin na sa mundong ito ang tanging permanente ay pagbabago; ang wika ay hindi makakaiwas dito. Sa katunayan, sinabi ni David Crystal na “language changes because society changes.”
Ang tinuturing na pambansang wika ay Filipino habang kabilang naman sa opisyal na wika natin ang English. Dito pa lamang, kahit papaano’y maaari tayong makabuo ng ideya o pagtingin sa kung paano ang takbo ng buhay sa ating lipunan at kung paano natin matatanaw ang maaaring kahinatnan ng mga wika sa loob ng lipunang ito. Maraming salik ang maaari nating isaalang-alang upang tukuyin ang maaaring kahantungan ng mga wika sa Pilipinas partikular na ang Filipino at English. Sa sinabi ni Crystal na masasabing buhay ang isang wika kung mayroong native speaker nito na gumagamit ng partikular na wikang ito. Nakita kong mayroon itong kinalaman sa populasyon sa tulong na rin ng mga ideya ni Ostler partikular na ang ideya niya ng organic growth kung saan sinabi niyang salik sa paglaganap ng isang wika ang pagtaas ng bilang ng populasyon sa pinagmulan ng wikang ito. Hindi lingid sa atin ang pagtaas ng ating populasyon. Kasabay nito ay ang pagbaba ng kabuhayan sa ating bansa—samakatuwid ay kahirapan. Ang kahirapang ito ay salik sa pagtaas ng mga gumagamit ng Filipino [sa halip na English]. Kaugnay pa nito, marami ang dumaragsa sa National Capital Region—kung saan Filipino ang pangunahing wika—mula sa iba’t ibang bahagi ng bansa upang dito makipagsapalaran. Ayon din kay Crystal, mahalagang salik ang pulitika at ekonomiya sa takbo ng wika—kung lalawig ba o kung mamamatay. Sa ngayon, kung titingnan, makikita nating lubos ang panghihikayat na gamitin ang English lalo sa mga eskwelahan at opisina. Ganoon pa man, dahil sa dumaraming bilang ng mahihirap sa bansa, nakikita kong bagamat tumataas ang bilang ng populasyon, kung tataas naman ang bilang ng hindi nakakapag-aral, malaki ang posibilidad na bumaba ang bilang ng mga mayroong kakayahang gamitin ang English.
Miski pa sinabing mahalagang salik sa pagkalat ng wika ang kalakalan, matatanto nating sa ating kasaysayan, bagaman mayroon tayong malawak na pakikipagkalakalan sa iba’t ibang bahagi ng mundo—na nagpapatuloy hanggang ngayon—makikitang hindi ito gaano naging epektibong paraan sa pagkalat ng ating wika. Marahil dito papasok yung sinabi ni Ostler na “When the market disappears, or others muscle in, the language too is dropped.” Marahil, ang pagkabigong ipakalat pa ang Filipino ay epekto ng katotohanang bagamat hindi pa gaanong established ang ugnayang pangkalakalan natin sa ibang lahi, madali itong nagwawakas at kadalasan pa ay tayo ang nasa mas mababang antas sa pagitan ng mga nagkakalakalang bansa. Ganito rin naman ang maaaring maging sanhi ng pagkawala ng paggamit ng English lalo dito sa bansa. Maaaring makapangyarihan ngayon ang English sa mundo ng kalakalan ngunit alinsunod sa sinabi ni Ostler na “trade patterns change over time and a trade connection alone will not guarantee a language community.” Maging ang mass media ay maaaring nakatutulong sa paglaganap ng isang wika. Maaaring maging tool ito upang mas madalas ang encounter sa isang wika. Sa aspetong ito, maaaring lamang ang Filipino sapagkat bagamat mayroong mga umuusbong na dayuhang palabas, mas pipiliing tangkilikin yaong mga palabas na madaling unawain.

Bilang pangwakas, nakikita kong sa hinaharap ay mayroong mas malaking potensyal na manatiling buhay ang wikang Filipino sa ating bansa. Mabibigyang hulma ito ng mga pagbabago sa populasyon, ekonomiya at maging ng exposure sa wika.


Mia Catherine B. Alderite

No comments:

Post a Comment