Tuesday, January 5, 2010

Makamasang pag-aaral ng Wika

Ang makamasang pag-aaral ng wika ay masalimuot na landasin upang unawain di lamang ang wika ngunit maging lipunan - ang dynamics, ang tunggalian ng kapangyarihan na nagaganap sa loob nito at sa pagitan niya at ng iba pang lipunan.

Unang-una, sa pagturing sa wika bilang "maka-masa", tinatanggap na ang pagkakaroon ng "hindi maka-masa" na uri ng wika. Mayroong wikang kumakalinga sa pambalanang bahagi ng lipunan at mayroon ding wikang naglalayong ihiwalay ito sa "eksklusibong" bahagi ng lipunan. Sa ganitong paraan, nagagamit ang isa sa mga di matatawarang kakayahan ng wika upang magbuklod at maghiwalay. Maari ring maging instrumento ito sa pagpapanatili ng ganitong estado. Nagkakaroon at nawawalan ng mga pribilehiyo ang mga taong nabibilang sa dalawang bahaging ito. Sa sosyal na aspeto, ibinababa ng mga eksklusibo ang mga taga-masa dahil sa ekonomikal na "dispribilehiyo" ng mga ito. Sa kabilang banda, mas malaya naman sa anu mang balakid sa ekspresyon tulad ng moralidad, "euphemism" at iba pang mga sosyal na pamantayan ang masa kumpara sa mga eksklusibo.

Ang wikang pang-masa din ay isang kwantitatibong (quantitative) pagturing. Sa lipunang Pilipino, dahil mas nakararami ang nabibilang sa masa, ang wikang pang-masa ay iyong ginagamit at naiintindihan ng mas nakararaming Pilipino. Sa ganitong pagtingin, hindi istrikto ang linyang naghahati sa dalawang bahagi ng lipunan. Maaaring nakalalamang ang ekslusibo dahil maaari siyang "bumaba" mula sa kanyang kinaluluklukan, maari niyang gamitin ang mga "slang", salitang kalye/kanto, mga balbal, mga payak na pangungusap o ekspresyon. Ang mga taga-masa naman ay makapag-aaral, mkapagi-Inggles din sa pamamagitan ng panunuod ng mga palabas sa sine, telebisyon, at iba pa, upang makisalamuha gamit ang wikang iniluklok bilang "di-pang-masa".

Sa pag-aaral ng wikang pang-masa, maaaring maimapa hindi lamang ang lantad na pruwebang ekonomikal na salik ng pagluklok sa wika bilang makamasa at di-makamasa. Kung matatandaan sa sanaysay ni Ostler, maliban sa katotohanang ang mayorya ng istrukturang ginagamit nila ay pareho, masasabing ang dalawang wikang ito ay "intelligible". Ang mga indibidwal at kolektibong "idosyncrasies" ay nanaig kaya ninanais na maiba sa iba. Ang mga aspetong sosyal, sikolohikal ay natatalos din. Ang "behavior", kasaysayan, mithiin, prayoridad at landasin ng mga taong tumatangkilik dito ay nalalaman sa pamamagitan ng pag-unawa dito. Sa ganitong pagtanaw, isa itong landasin tungo sa mas mapayapa at "harmonious" na pamumuhay sa loob ng lipunang ginagalawan.

No comments:

Post a Comment