Tuesday, January 5, 2010

Makamasang wika, dapat lang.

Aminin na natin. Mayroong mga pagkakataong nadadala tayo sa mga bagay na idinadaan sa wikang tunog-sosyal o kaya'y 'nosebleed' ang antas. Aminin na rin natin na nagaganap ito kahit pa wala naman talaga gaanong kalidad ang ating nababasa o nadirinig. Nakatatawa ngunit pawang may katotohanan. Tunay ngang malaki ang nagagawa ng wika sa pagpapaangat ng epekto o dating nito sa sinumang mambabasa o tagapakinig: mas malalaking mga salita, mas mukhang matalino; mas tunog-sosyal, mas patok.

Sa ganitong kalakaran, di na nakapagtataka kung nilalamon man ng mas mataas na lebel na wika ang pang-masa at ang produkto: isang lipunan ng mga taong ninanamnam ang kaigayahang dulot ng elitistang wika habang ang karamiha'y napapakamot na lamang ng ulo dahil di makaunawa o mas malala pa, kun sino pa minsan ang mga taga-tangkilik, sila ring may mga lihim na suliraning kaakibat ng kahirapan sa paghinuha.

Kaya naman, kung ganito rin lamang ang magiging kalabasan, mas nararapat na lamang na paigtingin na lamang ang pag-gamit at makamasang pag-aaral ng wika tutal naman, pagkakaunawaan ang isa sa mga pinakamahahalagang layunin ng wika. Sa ganitong pamamaraan, mas makasisiguro pa tayong mas malaking bahagdan ng populasyon ang makakaintindi ng mga bagay-bagay at gayundin, makapagdudulot ng pagbawi ng masa imbes na pananatili bilang mga api at napag-kaitan sa aspeto ng wika. Mababatid rin sa puntong ito na kung magkakaroon ng katuparan ang pagpapalakas ng makamasang wika, para na ring pinalaya ang masang Pilipino sa bilangguan ng di maabot na wika.

Oo nga't paminsa'y masarap pa rin sa mata at pandinig ang elitistang wika. Ngunit higit pa man dito, mas mabuti na ring isaalang-alang ang interes ng pinakamalakas na pwersa ng lipunan: ang masa tutal, hindi rin naman tayo lugi sa ganitong sistema dahil gaya nga ng sabi ni Horace sa Epistle to the Prisones: "It is not enough for the poems to be pretty; they must have charm and they must take the heart of the hearer wheresoever they will." Samakatuwid, hindi sa lahat ng pagkakataon ay ang ganda ng porma ng mga akda--na kadalasa'y nakasalalay sa wika--ang mas mahalaga kundi ang kakayanan nitong kumonekta sa madla.

No comments:

Post a Comment