Sunday, January 3, 2010

Wika: Makamasa?

Ang makamasang pagtuturo ng wika ay unti-unting nabubura sa ating mg memorya ukol sa kung ano ba talaga ang wikang Filipino. Ang trahedya dito ay habang hindi na natin alam kung ano ito, hindi narin natin alam kung papaano maging mga Pilipino. Ang ating mge isip ay namamantsyahan, naguguluhan, at nakatuon lamang sa kung paano tayo magtutunog matalino at makatwirang tao, na ibinabase natin sa paghuhusay ng bokabularya ng ibang mga wika. O di rin kaya kung paano tayo lilitaw bilang mga “elite”--alam ang lahat ng mga bagay-bagay sa buhay, nang sa katunayan ay tumatalikod na tayo sa kung ano at sino tayo talaga.

Subalit ano nga ba ang makamasang pagtuturo ng wika? At papaano ito mai-aangkin muli ang kanyang lugar?

Ang makamasang pagututuro ng wika ay dapat na kilalanin ang mga aktual na mga taong lumalahok sa araw-araw na paghihirap sa buhay. Mga taong kasangkot sa mga situasyong kailangang magapi sa ating bansa. At ang mga taong handang magsama-sama upang maipaglaban ang kanilang mga karapatan bilang mga Pilipino. Ito ay konsern sa katunayan na mahigit 32 milyon ng mga taong ito na nabubuhay sa ilalim ng 32 pesos sa isang araw, ay maari lamang, at hindi kumpletong, « functionally literate », Tunay nga na ang makamasang pagtuturo ng wika ay dapat na unahin ang mga pangangailangan ng mga taong ito, ang ating mga tao, upang lubusang yakapin nila ang kanilang pagiging mga Pilipino, na matutunan ang kanilang pangunahing wika, at marahil maasahang mabigyang ang mga Pilipino ng marka sa mundo.

Sa aking palagay, na upang maalala natin ang wika na dating ipinagmamalaki natin, nangangailangang kilalanin natin kung sino tayo bilang mga Pilipino. Hindi tayo Kastila. Hindi tayo Amerikano. At hindi rin tayo Hapon. Kundi tayo ay mga Pilipino. At hindi man natin kasalanan na ang iba’t-ibang mga bansa ay sinisintang kumalakal sa atin, na nangangailangan na ng ating wika na sumulong mula sa matibay ngunit marikit na wikang Tagalog, tayo parin ay Pilipino.

Sapagkat kailangan natin isaisip at maging tiwasay sa katotohanan na tayo ay kung ano tayo—isang lahing may malagong kultura at wika, hindi para ipagkapoot, o apakan ng ating mga mananakop, kundi upang mgsama-sama sa iisang tunay na bagay na makapag-bibigkis sa ating lahat:

Filipino.

-de Ocampo

No comments:

Post a Comment