Monday, January 18, 2010

U.K.

Sa panahon ngayon na naghahari ang konsyumerismo sa ating lipunan hindi naiiwasan ng isang indibidual na mamili ng mga gamit pampersonal o pambahay na materyal. Itinatakda kasi ng konsyumerismo ang mga kagamitang dapat bilhin ng mga tao at kasabay na rin ng ideyang umiikot dito; ang pagbili sa mga bagay ay hindi lamang simpleng pagpili sa pinakamura kundi sa pinakamahal na maaaring ipagmalaki at maipakita ang estado ng taong bibili at/o nagmamay-ari sa bagay. Nagiging mahalaga sa ganitong sistema ang tatak, presyo at pagkauso ng kagamitan kasunod na lamang ang kagandahan ng panlabas na kaanyuan. Itinataguyod ng konsyumerismo ang mga kagamitang gawa at/o galing sa ibang bansa dahilan sa may ideya tayong pangit at hindi matibay ang gawang Pilipinas. Sa ganitong takbo ng pamimili naitatanong natin ang katagang “saan mo nabili yan?” na isang pangungusap na may pagtatangkang alamin ang pinanggalingan ng isang bagay, isang pagtatangkang nababalutan ng iba’t ibang motibo, tulad ng nagagandahan ba ang nagtatanong o napapangitan. Kapag nakarining tayo ng sagot na made in U.K. ang gamit marahil ang unang mamumutawi sa ating bibig ay mayaman at sosyal ang nagmamay-ari. Dahil na rin ito sa pangkaraniwang ibig sabihin ng acronym na U.K. na nangangahulugang United Kingdom. Isa sa mga pinakaimpluwensiyal at pinakamayamang bansa sa mundo. At kapag doon galing at gawa ang materyal nakasisigurong matibay ito ngunit mahal ang presyo. Sa ganitong ideya ng imported na produkto isinilang ang bagong ibig sabihin ng U.K. at ito ang Ukay-Ukay. Dalawa ang ordinaryong ibig sabihin ng ukay-ukay, una ang lugar kung saan makakabili ng mga gamit na ukay-ukay; pangalawa ay ang mga damit o gamit na napaglumaan na ng nagmamay-ari kaya ibinebenta kumbaga 2nd hand na lamang. Sa ukay-ukay may dalawang kategorya, ang napaglumaang damit na dito lamang sa Pilipinas gawa at ang mga galing sa ibang bansa. Maging sa ukay-ukay makakakita rin naman ng mga totoong made in U.K. iyon nga lang hindi na bago. Ang pinagkaiba ng dalawang U.K. ay ang presyo nito. Dito makakabili ka ng P100.00 pababang mga damit hindi tulad ng bagong biling damit na made in U.K. na kahit isang libong piso ay wala ka pang mabibili. Maaaring kupas na ang kulay, butas ang ilang parte, may baho na hindi matanggal-tanggal at hindi pa sigurado para sa kalusugan. Dahil minsan nakakapagdala ito ng sakit mula sa pinagmulang tao tungo sa mamimili. Ngunit kahit sa mga ganitong problema ng pagbili patuloy pa rin itong tinatangkilik ng mga Pilipino. Bukod na sa nakamura maipagmamalaki pa dahil sa dala dala nitong sikat na tatak. Implikasyon ito na nakikibahagi ang mga mahihirap sa takbo ng konsyumerismo sa abot ng kanilang makakaya dahil na rin sa pagnanais nilang maging kapantay ng mga mayayaman kahit na lamang sa tatak ng damit na kanilang isinusuot. Naghahanap ng paraan ang mga masang naghihirap ng mga daan upang hindi sila magmukha at makaramdam ng kahirapan kahit na lamang sa damit at gamit nilang pagmamay-ari. Binabasag nito ang ilusyon na ang isang mamahaling bagay ay hindi maaaring mapasakamay ng isang masa. Ang U.K. ay isang katagang nagbagong-bihis na tanda ng paggising ng konsyumerismong pangmasa at nagpapalaganap ng pagkakapantay-pantay ng estado sa buhay pagdating sa kasuotan. Sa ganitong sitwasyon nagaganyak ang tao na mag-isip na kahit minsan naging mayaman sila sa labas ng kanilang tagpi-tagping bahay. Marahil isa lamang itong superpisyal at permanenteng mukha sa kung paano nilalabanan ng hikahos na masa ang lipunang pinaghaharian ng mala-burges na konsyumerismo. Kaya’t kung may pagkakataon man na tanungin mo ang isang taong nakatira sa ilalim ng tulay kung saan niya nabili ang kanyang damit huwag ka nang magtaka kung ang isagot niya ay made in U.K.

No comments:

Post a Comment