Sunday, January 31, 2010

Hinaharap Ng Wikang Ingles

Habang aking binabasa ang artikulong isinulat ni Ostler Nicholas ako ay lubusang nagulat na ito pala ay maaaring mangyari sa darating na panahon. Dito ay tahasang inilahad ng may-akda ang maaaring kahantungan ng pandaigdigang Lingua Franca ang wikang Ingles. Matapos ko itong suriin para sa aking paglapat sa konstekto ng Pilipinas, mula sa akda ay maaaring kahantungan ng wikang Filipino sa kasalukuyan dahil sa papakonting gumagamit nito sa ating bansa. Habang dumaraan ang taon makikita natin ang pagtaas ng bahagdan ng mga gumagamit ng Chinese Mandarin bilang pangunahin at pangalawang wika, dito ay inilahad ang maaring pagbagsak ng wikang ingles sapagkat sa kasalukuyan kita natin ang unti-unting pagbagsak ng emperyong amerika at sa kanilang kasalukuyang sitwasyong pang-ekonomiya.

Ipinakita ng may akda ang kaniyang kakayahan na bigyan ng prediksyon ang hinaharap ng isang wika na wala si Crystal David. Ayon kay Ostler darating ang araw na Chinese Mandarin na ang maghaharing wika, ito ay kaniyang isinulat upang maging handa lamang sa mga maaaring mangyari sa loob na darating na 50 taon. Ibig sabihin nakikita ang pag-unlad ng emperyong asyano at pabagsak ng emperyong amerika at kanluranin sa hinaharap. Sa pag-aanalisang kaniyang sinabi na mahihirapan ang mga amerikano o ang mga bansang nagsasalita ng ingles dahil sila na ang makikisama o makikibagay sa mga asyano na pag-aralan ang kanilang wika partikular na dito ang wikang Chinese Mandarin.

Madadalian ang mga bansang nakapagsasalita ng bilingual at mahihirapan ang bansang monolingual ang polisiya tulad ng emperyong amerika na Ingles ang may malaking bahagdan ng kanilang pagpapahalaga. Kung ating ihahambing sa kasalukuyang panahon ng Wikang Filipino dito sa ating bansa hindi posibleng mamatay ang wikang Filipino sapagkat sa ating kakulangan ng pantayong pananaw. Ayon nga kay Dr. Zeus Salazar tayong mga Pilipino ay may malaking pagkukulang sa pagmamahal sa ating wika at kultura. Mula sa pahayag na ito hindi nga malabong mangyari ang aking hinuha hinggil sa wikang Filipino. Ang posible pang mangyari sa ating bansa sa usaping pangwika ay mas lalong mahihirapan ang mga Filipino kung mamamatay at babagsak ang emperyong amerikano at pag-aaralan ang Chinese Mandarin na siyang posibleng maghari na wika sa hinaharap mas lalong mahihirapan at gugulo ang isipan ng mga Pilipino.

Sa mga ganitong pangyayari iisa lamang ang nais ipabatid ni Ostler Nicholas na tayo ay maging handa sa mabilisan maaring maganap sa darating na panahon. Mula sa kaniya ay aking naisip na kahit ganoon pa kalakas ang isang emperyo posible pala itong gumuho at hindi lahat ng bagay dito sa mundo ay permanente. Patuloy ang pag-unlad ng wika dahil sa katangian nitong dinamiko. Patuloy ang paglakas ng isang wika kung marami ang nagsasalita nito. Patuloy ang masidhing pag-aaral sa wika kahit ano pa man ang dumating. Ang lahat ng kultura ay nabubuhay dahil sa wika na siyang sumasalamin dito.

Romhel M. De Jesus- ayon nga ngayon lang ako nakapasok kaya send ko na ito para mabasa ninyo narin pag may time kayo, salamat

Bundok

Isa sa mga katangian ng wikang Filipino ang manghiram sa iba’t ibang wika ngunit sa mga salitang ito ang bundok ang kakaiba. Ikaw ba ay nagtataka sa sobrang daming panghihiram ng mga salitang Filipino sa ibang wika hindi kaba maninibago kung sabihin ko sa iyo na ang salitang bundok ay salitang hiniram naman ng wikang ingles sa ating wika. Ito ang tinatawag bilang boondocks. Bilang patunay aking nasaliksik mula sa Canadian Oxford Dictionary ang boondocks ay n. N Amer. informal rough or isolated country; backwoods. (Tagalog bundok mountain). Kakaiba diba, bukod pa nga sa payak na kahulugan ng bundok bilang mataas na lupa, alam natin may karagdagang kahulugan din ito kung sasabihin nating “ Para siyang tagabundok!’’ Gustuhin man o hindi, ito ay nangangahulugang hindi sibilisado”, hindi disente o walang class ang ganitong tao. Isang promdi, ika nga. Minsan naisip ko sabihan ko kaya ang isang taga U.P na uy taga bundok ka, ano kaya ang magiging reaksyon nya? Hehehehe. Ganito ang ibig sabihin ng bundok nang matutuhan ito ng mga Amerikano noon pa man. Sa kanilang pagkaintindí, ang salitang bundok ay tumutukoy sa anumang liblíb na lugar na malayo sa kabihasnan. Inampon nila ang salita at ito ang nagíng katagang Ingles na boondocks.Noon pa man naririnig na natin ang salitang boondockers. Ito ang tawag sa mga matitibay na sapatos o botas na pang-hiking. Malamang na pinagmulan ito ng tatak ng mga pantalon na Dockers na ngayón ay usung-uso o in na in.Sa katunayan meron ako nito. Marahil ay nakariníg na kayo ng salitang boondocks sa isang Canadian:

She works in the city but she lives way out in the boondocks (or boonies).

Sa wikang Ingles, wala itong himig pang-iinsulto. Kaya, kapag nakariníg kayo ng salitang boondocks sa isang taong hindi Filipino, sabihin ninyo sa kaniya, "Hey, you’re speaking my language!" At laging ipagmalakí ang wikang Filipino.


Romhel M. De Jesus- ngayon lang ako nakapasok sa blogs kaya itotodo q na ang pag-share sa inyo

Sigaw ng Manggagawa: Disenteng Trabaho, Disenteng Pamumuhay!

“Freedom" is a grand word, but under the banner of freedom for industry the most predatory wars were waged,under the banner of freedom of labour, the working people were robbed. The modern use of the term "freedom of criticism" contains the same inherent falsehood. Those who are really convinced that they have made progress in science would not demand freedom for the new views to continue side by side with old, but the substitution of the new views for the old. The cry heard today,"Long live freedom of criticism", is too strongly reminiscient of the fable of the empty barrel.

Living wage, paglikha ng trabaho, full employment, eksempsiyon sa pagbabayad ng buwis, pagseseguro sa kalusugan, pangangailangang medikal, kaseguruhan sa pagkain, murang pabahay para sa manggagawa at edukasyon. Mga hinaing na paulit-ulit at nakabibinging panawagan ng mga manggagawang Pilipino, marami pa ring mga dating suliranin na wala pa ring lunas. Di natatapos ang pakikibaka tungo sa matagal na nating mithiin, ang isang matiwasay at masaganang bansa. Nandiyan ang kakulangan sa sahod, kawalan ng seguridad sa trabaho,kontraktwalisasyon ng paggawa, patuloy na paglabag sa mga basehang karapatan ng mga manggagawa, lalo na sa pag-oorganisa. Nandiyan din ang mga isyu ng mga tinaguriang bagong bayani, ang mga Overseas Filipino Workers (OFWs). Pareho ang hinihingi, ang proteksyon at pagkilala.Idagdag na rin natin ang mga bagong paghamon sa mga manggagawa, ang malawakang liberalisasyon sa buong mundo, ang pangingibabaw ng mga bansang tulad ng Tsina at Vietnam sa pandaigdigang negosyo, ang lumalawak na problema sa terorismo, ang patuloy na pagtaas ng mga bilihin at serbisyo na bunsod ng liberalisasyon at deregulasyon ng mga sektor gaya ng kuryente, tubig, langis at iba pa. Maraming mga suliranin na nangangailangan ng katugunan. Sa simulang bagong sentenaryo ng Kilusang Paggawa, naghahanap ang mga manggagawa ng pagbabagong tuluyang magbibigay ng bagong kaayusan. Sa Pamahalaan, sa mga Negosyante, sa lahat ng lider ng bansa, ngayon at sa mga susunod, Bagong Kaayusan ang hamon ng Manggagawa. Ang lahat ng ito ay bunsod ng kasakiman ng mga taong angat sa buhay. Pagkakaroon ng kalayaan sa aspeto ng paggawa, kalayaan na patas ang lahat ng bagay, kalayaan na magbibigay ng magandang kinabukasan para sa mga manggagawa ng bansa.

Romhel M. De Jesus- ngayon lang ako naka-join sa blogs, sa wakas

Karapatang Dapat ipaglaban

The peasant says: "The land is God's, the land is the people's, the land is nobody's." The "divisionists" tell us that the peasant says this without realising what he is saying; that he says one thing and means another. All that the peasants are really striving for, they tell us, is additional land; they want to enlarge their small farms, and no more. All this is quite true. But our disagreement with the " divisionists" does not end here. it only begins. We must use what the peasants say, even if it is economically unsound or meaningless, as a hook for our propaganda. We must say to them: You say that everybody ought to have the right to use the land? You want to transfer the land to the people's property? The government officials,The Trepovs. Do you want to transfer the land. Do you want to transfer the land to the Petrunkeviches and Rodiviches, who, perhaps, will sit on the municipal councils? No. The peasant will certainly not want to transfer the land to these gentlemen. Hence-we will explain to the peasants-if the land is to be transferred to the whole people in a way that will benefit the peasants, it is necessary to ensure that all government officials without exception are elected by the people.

Isa ito sa madalas na pinoproblema sa ating bansa, Ang problema sa lupa.Mula sa pananakop ng mga KAstila, Amerikano at HApon, na kung saan sila ang namamahala ng ating bansa at nasa kanila ang kapangyarihan na kontrolin ang ating lupain kungbaga ay sumusunod tayo sa kanilang kagustuhan. Ngunit dahil na rin sa pagsisiskap ng mga Pilipino noon ay nakuha nila ang lupang nararapat na para sa atin. At upang lalo tayong magkaisa ay nararapat na mayroong isang lider na mamamahala sa ating bansa na siyang iniluklok ng mga tao. isang lider na hindi sakim sa kapangyarihan, inaangkin ang lupang ito, na kung tutuusin ay nasa mamamayan ang kapangyarihan at wala sa kanya. Nais nilang magkaroon ng pagbabago lalong-lalo na sa estado ng kanilang pamumuhay halimbawa na lamang ay ang mga mag-sasaka. Dahil hangang sa ngayon ay hindi parin malutas lutas ang mga problema sa lupa. Suliraning palaging idinadaing ng mga magsasaka. Walo sa bawat sampung magsasaka sa Pilipinas ang wala pa ring sariling lupa ngayon. Ito ay sa kabila ng 20 implementasyon ng Comprehensive Agrarian Reform Program (CARP).Sadyang napakababa ng lupaing saklaw ng CARP. Sa halos 13 milyong ektaryang lupaing agrikultural sa bansa, 65.9% o 8.31 milyong ektarya ang hindi saklaw ng huwad na programa.Sa totoo, sa halip na makapagpamahagi ng lupa tulad ng ipinapangako nito ay

lalo lamang nitong prinotektahan ang interes ng mga panginoong may lupa at pinalala ang pyudal na pagsasamantala sa mga magsasaka.Sa kasalukuyan, 80% ng lupaing ito ang kontrolado pa rin ng mga PML.Samu’t saring mga pakana ang ipinapahintulot ng CARP upang mapanatili sa kamay ng mga PML ang kontrol sa lupa. Kabilang dito ang paghahati-hati ng malalaking lupain sa maliliit na parsela, pamamahagi ng lupa sa mga bogus na benepisyaryo.Tampok na halimbawa ang paggamit ng SDO upang maipagkait sa 5,300 na mga magsasaka ang 6,453 ektaryang Hacienda Luisita sa Tarlac.Sa datos mismo ng gobyerno, 1.9 milyong ektarya lamang ng pribadong lupaing agrikultural ang naipamahagi sa mga magsasaka simula noong 1988. Sa 1.9M ektaryang naipamahagi ng gobyerno, 82% nito ay may kaso pa, at wala pang aktwal o pisikal na pamamahagi ng lupa sa mga magsasaka.Makikitang naman na halos lahat ng lupain dito ay pag-aari rin ng mga malalaking tao dito sa bansa. Na lalong nagpapayaman sa kanila na siyang nagpapahirap naman sa maraming tao.

Saturday, January 30, 2010

Usapang may Saysay

"We must make it the constant job of publicists to write the history of the present day, and to write it in such a way that the chroniclers will give the greatest possible help to the direct participants in the movement and to the heroic proletarians there, on the scene of action—to write it in such a way to promote the spread of movement, the conscious selection of the means, ways, and methods of struggle that, with the least expenditure of effort, will yield the most substantial and permanent results.”

Malaki ang problema natin sa ating kasaysayan. Unang-una, sinira ng mga Kastila ang kamangha-manghang kasaysayan nating mga Pilipino. Dahil dito, naipamukha ng mga Kastila sa mga historyador na ang kasaysayan natin ay nagsimula sa pagdating ni Magellan, na isang kasinungalingan. Dahil sa pagpapamanang ito ng mga Kastila sa atin ng mababang pananaw ukol sa kasaysayan, maging ang pagtuturo nito sa panahon ngayon ay napakababaw (at mali-mali pa). Natatapos ang pagtuturo ng kasaysayan sa pagkakabisa, at walang katapusang pagkakabisa. Mali ang ganitong paraan ng pagtuturo dahil sa nasisira nito ang tunay na kahalagahan ng pagkatuto ng kasaysayan. Itinutulak nito ang mga mag-aaral na ayawan ang kasaysayan. Lalo pang nakasasama dito ang mali-maling impormasyon at pananaw na itinuturo ng mga historyador at guro na apektado ng naturang sakit sa kasaysayan—kasama na nga ng haka-hakang nagkaroon lamang ng kasaysayan ang mga Pilipino dahil sa pagdating ng mga Kastila. Kaya’t papaano matutunan ng mga mag-aaral ang tunay na kahalagahan ng kasaysayan? Dapat ayusin ang ganitong pamamalakad sa lalong madaling panahon. Gayunpaman, sistema na ito. Sino ang babali sa mga patakaran ng DepEd? Sino ang makikipagdebate sa mga historyador ng Pilipinas? Sino ang kakalaban sa isang institusyon, ang isang mag-gugugol ng buong buhay para surrin at ituwid ang mga pagkakamali sa kasaysayang Pilipino? Ikaw? Ako? Kaya mo ba? Kaya ko ba? Sa huli, parang mas mabuti na lang na manahimik. Kaya lang, hindi pa ba tayo matututo sa naging karanasan natin? Ngayong wala na ang mga Kastila at mga Amerikano, tayo na ba mismo ang sisira sa ating kasaysayan?

Magandang magsimula sa pagsasaayos ng kasalukuyang kasaysayan, ika nga “current events”. Alisin na ang ‘sensationalism’ sa pagbabalita dahil wala itong maidudulot na maganda. Kaugnay nito at ang pinakamahalaga, ay ang pagtutuon ng higit na pansin sa mga ‘walang boses’ sa lipunan. Huwag ituon lamang ang kasaysayan sa isang uri ng tao sa lipunan. Sa halip, palawakin ang perspektiba sa pagbabalita, pagsusulat, pagtuturo, atbp. Halimbnawa na lamang: sa Ampatuan Massacre, huwag lamang sanang ang pagtuunan ng pansin ay ang mga biktima na taga-Media. Sa halip, mas dapat bigyang pansin ang mga sibilyan. Mas nangangailangan sila ng tulong dahil walang institusyon—hindi kagaya ng mga nasa media—na sasalo sa kanila. Dapat na sakto ang bawat tala tungkol sa lipunan nang malaki ang tsansa na sakto rin ang magiging pagbasa dito ng mga historyador. Tandaan na ang maling impormasyon ay nagdudulot lamang ng maling pananaw. Ang maling pananaw ay nagbubunga ng maling pamumuhay. Ang ‘sensationalism’ ay sinisira lamang ang kaalaman at pag-iisip ng mga Pilipino—lalo na’t itinataguyod pa nito ang kaisipan ng ‘tsismis’ (o paninira sa iba’t ibang tao o uri ng tao sa lipunan) na sanhi ng kaguluhan at pagkakawatak-watak. Ang pagtutuon sa isang sektor lamang ng lipunan ay binubulag ang mata ng mga tao sa realidad.

Kung hindi patas ang kasaysayan , kung hindi sakto ang interpretasyon dito, magiging kasangkapan lamang ito sa pang-aapi, sa katuturang nalilimutan na dito ang kontribusyon lalo na ng mga walang kapangyarihan sa lipunan na kung tutuusi’y malaki ang sakripisyo at ambag. Kung hindi patas ang kasaysayan, magiging kasangkapan ito ng pang-aapi sa isang lahi—ang pagkakilanlan ng isang lahi, ang dangal at pagmamalaki sa sariling lipi—katulad ng mga Pilipino. Kailangang sa pagsusulat ng mga tala ng kasaysayan, makuha ang pinakamakabuluhan at pinakapermanenteng epekto nito—ang nasyonalismo at dangal ng bawat uri sa isang Nasyon, ng isang Lahi.


-ibarrientos

Sunday, January 24, 2010

Ligaya

Isa itong salita na maraming pagpapakahulugan base sa kung papaano ito nararanasan o natatamo sa buhay. Sa mayayaman, ligaya ay happiness which means the state or quality of being happy. Madalas nilang nakakamit ang kaligayahan sapagkat sila ay punong-puno ng grasya at swerte. Hindi na bago para sa kanila ang happiness dahil masaya na sila sa antas ng kanilang pamumuhay subalit sa mga mahihirap, ang kaligayahan ay madalang kung dumapo sa kanila. Masaya na sila sa kakaunting barya na kanilang malimos at sa kakapampot na pagkaing nakalagay sa kanilang mesa. Napakababaw nga kung tawagin ng mga mayayaman ang kaligayahan ng mga dukha at barya-barya lamang para sa kanila ang mga ito.
Sa mga estudyante, ligaya ang makapasa sa bawat pagsusulit at makakuha ng mataas ng grado. Sa mga guro, ligaya ang makapagbahagi ng kaalaman. Sa mga doctor, ligaya sa kanila ang makapanggamot subalit sa mga kriminal, higit silang masasayahan kapag nakapanakit sila ng tao. Sa mga bata, ligaya ang maglaro maghapon ngunit sa mga matatanda, ligaya ang makapag-relax. Sabi naman ng mga GRO, “ligaya ang itawag mo sa akin” pero bakit? Sapagkat sa tuwing sila ay magtatrabaho ligaya ang naidududlot nila sa kanilang mga costumer. Sa isang coke commercial ang sabi ay “open coca cola, open happiness” Masaya bang uminom ng coke? Siguro kasi, sa tuwing iinom tayo nun ay narerefresh tayo, masarap kasi kapag mainit ang panahon tapos my coke….happiness talaga!
Ang pagkain ay ligaya pang-tiyan, ang sex ay ligaya pang-sexual at ang bibliya ay ligaya pang-spiritual. Iba iba man pagpapakahulugan natin sa salitang ito higit natin itong mauunawaan kung ating nararanasan.

Jessica Carmela Flores

Tuesday, January 19, 2010

Anak ng kalabaw naman! Hmp.

Sa klase:
"Mga bata,ang kalabaw ay ang pambansang hayop ng Pilipinas."

Sa bukid:
"Anak,itali mo nang maayos ang kalabaw! 'Pag 'yan nakakawala, aba'y yari tayo!"

Sa eskinita:
"Wow pare! Dehins ka talaga tinatablan ng lamig noh? Lufet! Balat kalabaw ka nga!"

Sa restaurant:
"OMG. She's so maarte and mayabang kaya. Pero try to talk to him in English and gosh, you'll be shocked. She's so kalabaw kaya!"


Sa pangkalahatang kaalaman, ang kalabaw ay isang hayop. Para sa ating mga Pilipino, ito ang pambansang hayop. Sa isang magsasaka na ang papel sa moda ang produksyon ay magtanim, ang kalabaw ay isang katuwang. Sa konteksto naman ng pabalbal na wika ng mga Pinoy, madalas itong ikinakabit sa mga bagay na may kinalaman sa pagtitiis, pagtitiyaga at katatagan. Sausapin naman ng pagsasalita ng Inggles, kalabaw ka kung mali-mali. Sa lahat ng ito, makikitang ang terminong "kalabaw" ay nanganak na ng iba't ibang kahulugan. Sa pag-usbong ng samu't saring mga kahulugan ng termino, mababakas naman natin ang epekto ng sa kung anong uri sa lipunan nabibilang ang gumagamit.

Halimbawa na lamang, mapapansing sa paningin ng mga nasa mababang uri gaya ng mga magsasaka at manggagawa, ang terminong kalabaw ay walang problema. Samantalang kung gagamitin mo ito sa mga burgis, malamang ay hindi maging kaaya-aya ang magiging reaksyon nila dito. Ngunit bukod pa sa usapin ng iba't ibang uring may iba't ibang interes, pumapasok rin dito ang pagkakaiba ng oryentasyon ng mga mamamayan o kamulatan.

Sa konteksto ng mga naunang nabanngit na sitwasyon, makikita ring ang kamulatan ng isang tao sa isang bagay ay sadyang nakakaapekto sa pagpapakahulugan niya rito at kung paano niya ito gagamitin. Samakatuwid, malaki ang nagagawa ng ideolohiya sa wika. Kaya nitong gawing kumplikado ang isang simpleng salita.



Wow, Sosyal!

“EiOwZ pOhw,.!” Oops, may Jologs.

“Let’s just ride the cab [pronounced as keb].” Okay, may conyo.


Kung may Jologs, meron din namang conyo.

Jologs, terminong kadalasang litaw at mula sa mas matataas na uri; pantukoy sa mga ‘hindi cool”. Conyo— “high-end”, inglesero. Pagtinging mula sa mas mababang uri.

“Yes naman, sosyal.”
Maaaring tingnan ang pagamit sa terminong sosyal bilang anyo ng “parody” sa mga nasa mataas na uri. Maaaring ito’y atake sa mataas na uri bilang “hudyat” ng “pagtaliwas” o pagpuna sa [mga] bagay na maaaring ikonsiderang “hindi angkop” sa kalagayan ng lipunan lalo sa perspektibo ng nasa mababang uri. Patunay nito ay ang kadalasang paggamit nito sa konteksto ng pang-uuyam o sarcasm. Kadalasang ginagamit ang “sosyal” bilang pagtukoy o reaksyon sa “sudden shift” ng isang tao [na nasa mas mababang uri] mula sa mas mataas na uri—kilos, salita o kakayahan. Maaari rin nating makita ito bilang atake sa mga kauri o dapat [suppose to be] ay kauri naman ng gumagamit na umaastang mas mataas, o nagpapakita ng pagkaangat mula sa kauri. Maaari rin itong tumukoy sa mga bagay na unusual para sa status o posisyon mo sa grupong kinabibilangan o sa lipunan.

Bagamat hindi naman masama ang pagiging sosyal—sapagkat maaari itong magpakita ng pag-unlad ng kalagayan o kakayahan ng isang tao—maaaring pagpapatanto lamang ito sa atin ng mga bagay na maitutukoy natin sa partikular na lebel o uri sa lipunan. Sinasabi rin nitong may malinaw na hatian ng mga uri at tunggalian ng mga ito na litaw sa lipunan, bagamat paminsanan ay subtle na mababakas natin sa pagklasipika sa mga bagay-bagay.

Jologs, conyo o dun ka man sa sinasabihan ng sosyal, alin ka man sa mga iyan, alin man diyan ang ginagamit mo pantukoy sa mga tao, mahalagang tandaan na ang lahat ng ito, bagamat wala namang validation sa mga pagkakategoryang ito, tila ang mga ito’y paggrupo grupo na hindi na nangangailangan ng malalimang pagpapaliwanag para bang mayroong kolektibong pagsang-ayon at pagtanggap dito.
Ito ay sapagkat ang mga ito’y nabubuo mula sa realidad at mula sa pang-araw-araw na pakikisalamuha sa iba’t ibang tao mula sa iba’t ibang antas ng pamumuhay—sosyal kumbaga.

Masa pa rin!

“Human beings, they insist, produce ideas as part of the production of the totality of their conditions of life. The production of ideas and concepts, therefore, “is directly interwoven with the material intercourse” that takes place among people. Indeed this, they suggest, is “the language of real life”.
Ang mga linyang ito ni David McNally ang para sa akin ang tumutukoy sa aralin ng wikang makamasa. Ang wikang makamasa ay tumutukoy sa wika ng mga taong nakapaloob sa produksyon o paggawa. Maaaring sabihing, samakatuwid, mga nasa mababang antas ng lipunan. Hindi maaaring maisama ditto ang klase ng wika sa loob ng akademya. Kahit pa nga marami ang tumutukoy dito na mataas na uri ng wika (patunay ang pangarap ng bawat isa na magkaroon ng diplomang maaaring isabit sa dingding upang mapatunayan ang pagkatao), hindi nangangahulugang kung akademiko o perpekto ay makamasa. Sa katunayan, para sa akin, kung ang isang salita ay laging nababago at hindi nakakulong sa iisang istruktura o sistema, ito ang makamasang wika. Ang masa kasi ay malaya. Napaka-dynamic dahil diverse. At ito ang katotohanan ng wika: nagbabago ito at ito ay nakabase pa rin sa mga taong gumagamit at nakikinabang.
Ang mentalidad na ang wika ng masa ay wika ng walang pinag-aralan at wika na dapat ay hindi binibigyang pansin dahil kakabit na nito ang konotasyon ng kababang-uri ang dapat nating maalis. Hindi dapat mawala sa isip natin ang pangunahing gamit ng wika:ang komunikasyon. Hindi natin maikakailang masa pa rin.

Honeylen

Astig!

Isa na sa nagging paborito kong ekspresyon ng pagkagulat, pagkamangha at pahkatuwa ang salitang ‘Astig!’ Nagmula daw ito sa salitang ‘Tigas’ kaya naman ang kahulugan ay pagiging matapang o matatag. Malayo sa konteksto at paraan ng paggamit ko. Para sa akin, astig ang mga bagay na mapapamangha ako at magugulat—samakatuwid, positibo at ‘malambot’ na kaiba sa pinagmulan nitong salita.
Naniniwala akong ang nangyari sa aking pag-iiba ng kahulugan ay nangyayari din sa ibang tao. Halimbawa, sa mga tao sa kanto, o mga tambay, ang ‘Astig’ ay tumutukoy sa pagiging cool o “in” sa isang aspeto. Sa iba naman ang ‘Astig’ ay kakaiba. Kung paano man humantong sa ganito ang estado ng salitang ito, ito marahil ay dahil sa ebolusyon sa paraan ng paggamit. Kung gayon, ay hindi pa rin ito nalalayo sa orihinal nitong kahulugan; nagkaroon lamang ng modipikasyon

Honeylen

"(e)X" /eks/

Sadyang napakaikling kataga. Isang letra nga lang eh. Mauunawaan na marahil sa unang tingin o dinig pa lamang, dipende nga lamang sa pagkakagamit. Heto ang ilan sa mga halimbawa:

Una, ito ang ika-dalawampu't apat na titik ng alpabetong Filipino. Isa ito sa may pinakakaunting entries sa diksiyunaryong Inggles. Xylophone, xylem ang ilan sa mga highfalutin words na nagsisimula dito, na hindi mo gagamitin sa araw-araw na gawain halimbawa sa pagbili ng suka sa tabing tindahan(maliban kung inutusan ka niyang sumali sa parada ng Sto. Nino at naatasan kang tugtugin ang himig ng Doe-a-deer-a-female-deer sa perkasyong instrumentong ito), o kahit sa pagwee-wee ng iyong Lolo sa ugat ng puno sa inyong bakuran sa bawat umagang gigising ito (kahit napag-aralan mo sa Biology na mahalagang parte ito ng halaman upang sipsipin paitaas ang sustansiyang galing sa lupa).

Sa kabilang banda, isa rin ito sa dalawang mga iniiwas-iwasan mong letra sa 'twing maglalaro kayong magkakapatid ng Scrabble, sapagkat napakahirap mag-isip ng katagang nagsisimula dito at napakataas na deduction na midudulot nito sa score sa huli kapag hindi naidispatsa kaagad.

Sa kasaysayan at Literatura, magugunitang ang simbolismong ito ang naging sagisag ng mga Krusada ni Kristo ng panahong mediyibal, nang pananampalataya ng ikaanim na bahagi ng bilang ng mga tao sa mundo ngayon. Bago pa man ito, ito ay luklukan hanggang kamatayan ng mga kriminal, bilang parusa sa kanilang pagkakasala. Ginamit din itong simbolo ng malupit na puwersang mga NAZI Aleman bilang tanda ng kanilang dilusyon sa panuring sa sarili bilang pinakamataas na uri ng lahi at pagmamasaker-in ang mga kaawa-awang Hudyo.

Sa eskuwela naman, ito ang pinakaaayaw-ayaw mo sa tuwing nagkakamali ka sa (eks)amen.

Sa Hollywood naman, ito ang samahan ng mga mutants ng natapos na kamakailan lamang na "X-men" sa ilalim ng pangangalaga ni Professor "X". Ito rin ang ibinibigay na rating ng MTRCB at iba pang nagsusuring ahensiya sa isang pelikulang napagkasunduang huwag ipalabas dahil sa temang seksuwal at violence.

Samakatwid, ang (e)X ay karaniwang naikakabit sa mga negatibo o di-kanais-nais na bagay o konsepto.

Pangkalahatang tawag din ito kina Bibi Gandang-hari at Ricca Paras ng PBB na mga nagkamit na ng lisensiyang jumingle sa banyo ng kababaihan.

Maaari rin itong tumukoy sa isang taong nagsilbi ng mahabang panahon sa loob (Munti, Koreksiyonal, atbp - mga improvised na hawlang kumikitil sa di matatawarang sosyal na pangangailangan ng tao,upang "i-tama" ang isang major na pagkakamali/pag sa buhay) at nakalaya na.

Senyales din itong kailangan mong mag-menor at magbigay daan sa tumatawid na tao, sasakyan at tren! . . kung ayaw mapahamak.
Ito ang dapat mong asintahin kapag nasa shooting range. Ito rin ang dapat puntiryahin sa mapa kapag nasa isang treasure hunt.

Ngunit sa lahat ng mga nabanggit, pinakamasidhi ang kirot na dulot nito lalo na kapag maaalala mo ang mga masasayang pinagsamahan ninyo, mga sandaling napakahirap ibalik o hindi na nga yata posible pang mangyaring muli, sapagkat tuluyan na siyang nakaget-over sa iyo. . . ang pinakamamahal mong... (e)x.

andrw rosario

Magulang

Maaring maging kahulugan ng magulang ay "nanay at tatay". Sa ganitong pagkakahulugan ay wala namang masyadong sinasabi ito at kung susuriin ang salitang "magulang" ay pwede naman talaga ang kahulugang nanay at tatay dito dahil mas marami naman talaga silang gulang sa kanilang mga anak. Mayroon din namang ibang ibig sabihin ito kung ginagamit sa prutas o gulay na hinog na at madalas ay ginagamit ito sa paraang negatibo. Kaya nga sa palengke ay kapag narinig na sinabi na magulang na ang gulay ay hindi na maganda dahil ibig sabihin ay matigas na ito. Kaya nga pwede din gamitin ang salitang ito sa taong matanda na at uugud-ugod dahil masasabing naninigas na ang mga daliri at hindi na magalaw na malapit sa salitang "gurang". Meron pa ring isa pang kahulugan ang salitang magulang at ginagamit ito sa taong nanlalamang o nananamantala. Magulang siguro dahil ang nalalamangan lang naman ay ang inosenteng tao at may mga nagsasabi nga na kapag matanda na nawawala ang pagkainosente. Madalas kong naririnig ito kapag naglalaro ng basketball. Sinasabi ito kapag nanghaharass ang isang tao sa taong binabantayan niya o nagbabantay sa kanya. Ibig sabihin ng nanghaharass ay ang taong mas ginagamit ang pwersa imbis na ang galing sa basketball upang manaig sa kanyang katunggali. Sa mga kahulugang ito makikita ang pagkakaiba ng antas dahil sa edad, kaalaman, at lakas ng katawan sa paggamit ng iisang salita lamang. At makikitang hindi lang positibo, mayroon ding negatibong kahulugan ito sa paningin ng tao.

SHAWTY

Sino ba si Shawty? Siguro ang dami nyang boypren.

Unang narining ko yun, natawa ako. Sino nga ba si Shawty at pinagkakaguluhan siya ng mga hiphop star/rapper/Kanye West sa buong mundo?

Ayon sa UrbanDictionary.com, ang salitang “shawty” ay nagmula sa Atlanta. Naging “shorty” muna ito na nangangahulugang isang bata o maliit na tao (maaring pandak din). Ngunit sa tagal ng panahon, nagbago ang anyo nito (nagging “shawty” upang mas tunog urban) at nadagdagan ang ibig sabihin nito. Sa kasalukuyan, tumuturing ito sa isang babaeng lubusang maganda o nakatatawag ng pansin. O di rin kaya isang salitang slang para sa “girlfriend”.

Maaari na rin itong gamitin sa pagbati sa kaibigan. Sa halip na "Wassup, Man ?”, napapalitan ang “man” ng “shawty”. O kaya pagbati sa isang taong hindi mo alam, (o nakalimutan mo) ang pangalan.

Isa itong ideologically-charged na term sapagkat (gamit ang kanyang general na kahulugan) pinalalabas nito na ang babae ay natural na mas maliit sa lalaki. Ngunit hindi naman lahat ng babae ay ganon. Nakakatawa nga, ngunit si Justin Bieber, sa kanyang mga music videos na tinatawag niya ang babae na “shawty”, ay tumitingala na sa mga ka-partner. Si Sean Kingston, kung makagamit siya ng terminong “shawty” ay tilang nakapambababa sa mga kababaihan. Na ang mga babae ay “shawty” lamang. Hindi na nangangailangan ng pangalan o ng karapatang makilala ng mga tao sa sarili niyang paraan. Lumalabas na ang babae ay mas mababang uri o di rin kaya hanggang ubod na papansin lamang.

Habang ito ay mas nagagamit sa northern part o urban areas ng America, at unti-unting napapalitan na ito ng salitang “boo”, mapapansin pa rin ito sa mga lyrics ng mga “makabagong” Pilipinong rapper na walang alam kundi gayahin si Jay-Z at nangangarap na may maka-partner ang katulad ni Mariah Carey. Sa gayon, hindi pa mababawasan at posibleng tumaas ang impact nitong salitang ito sa ating society.

-de Ocampo

Barbero

Barbero, isang barbero, salitang barbero, at usapang barbero. Ilan lamang ito sa mga salitang tumutukoy sa isang barbero ngunit iba't-iba ng kahulugan. Kung gayon ano nga ba ang barbero? Ang simpleng depinisiyon ng salitang barbero ay tumutukoy sa isang mangugupit ng buhok ng mga kalalakihan, ngunit sa pagdaan ng panahon ay nagkaroon ng ito ng ibang kahulugan.



Sa pag-unlad ng wika, maraming salita ang nag-evolve at nagkaroon ng maraming kahulugan. Isa sa mga salitang ito ay ang salitang barbero na nagkaroon ng iba't-ibang kulay at gamit, karamihan nga sa mga ito ay mga negatibo ngunit maaring nakakatawa kahit na magkagayon. Dahil sa ating panahon ngayon, ang isang barbero ay hindi lamang simpleng gumugupit ng buhok ng mga kalalakihan, maari din silang maging isang tao na mahilig gumawa ng kwentong wala namang katotohanan o maaring ang ilan ay totoo ngunit ito ay mayroon ng dagdag at bawas sa kuwento na parang tsismis. Maaari din iugnay dito ang usapang barbero na ang ibig sabihin ay trash talk sa Ingles. Ang usapang barbero ay usapan ng mga barbero na nagbibiruan o nag-uusap ng wala namang laman ang pinag-uusapan kundi mga nakakatawa o payabangan lamang na pabiro. Dahil din ito ay nagkaroon ng isang negatibong ibig sabihin ang salitang barbero gaya ng sinungaling, mayabang, at walang sense kausap.



Hindi ko alam kung papaano nagsimula ang pagbabago ng kahulagan ng salitang barbero na nagsimula sa isang gumugupit ng buhok hanggang mapunta sa isang tao na gumagawa ng kuwento. Ngunit sa aking pag-uugnay o mababaw na teorya, maaring ang usapang barbero, salitang barbero, at isang barbero ay nagsimula sa barber shop kasama ang grupo ng mga tao na nag-uusap o nagkukuwentuhan ng mga nakakatawang bagay hanggang nauwi sa payabangan o dagdag bawas na kuwento kaya't ito ay naging usapang barbero.


*robin anne Lucero

EKSOTIK

Maraming ideolohiya ang ipinapakita ng salitang “exotic”. Madalas natin itong makita o mabasa sa maraming travel brochures at ilang postcards. Tinutukoy ng salitang ito ang isang lugar na maituturing na primitibo sa gitna ng ng modernong pamumuhay ngayon o di kaya’y anumang hindi pangkaraniwang nakikita o ordinaryo.

Madalas gamitin ang salitang ito upang makaengganyo ng mga turistang nais makahulagpos sa mga problema ng pang-araw-araw na buhay. Kung titingnang mabuti, inilagay sa salita ang ilang mapang-aliping pananaw ng nakatataas na uri sa masa ng lipunan. Ang anumang hindi itinuturing na ordinaryo o pangkaraniwan ng mataas na uri ay tinatawag na primitibo at exotic. May negatibong konotasyon ito para sa mga binansagang exotic. Maaaring tingnan ang pananaw na nakapaloob sa salitang ito sa sitwasyon ng isang turistang pupunta sa isang “exotic” upang magbakasyon. Ipinapakita nito ang pananaw na kung hindi kabilang ang isang tao sa namumunong uri dahil sa kanyang uri ng pamumuhay, nararapat kang tawaging exotic. Puno ng negatibong konotasyon ang salita dahil inilalantad nito ang nakatagong hibla na naghihiwalay sa elite ng lipunan (ang turista) at ang masa (ang dinadayo ng turista).

Salamin ang salita sa tila pagsunod at kawalang pagtutol ng masa sa mga pananaw na pinamamayani ng mga elite ng lipunan. Mismong ang masa ang nagababansag sa kanilang sarili na exotic sa pamamagitan ng paggamit ng malalapit na salita rito gaya ng ethnic at folk. Ang patuloy na paggamit ng salitang exotic ay isang repleksyon ng katotohanang ang ideolohiya ng nakatataas na uri ang siyang nagiging tama para sa buong lipunan dahil sa pagtanggap ng masa sa salitang ito at ang mga ideolohiyang nakapaloob rito.

--japa miranda

Usapang Itlog

Ang usapang ka-itlugan ay kalat na kalat na nga sa buong dako at kung saan-saang sulok ng Pilipinas. Mapa-mayaman, mahirap, o middle class ay t'yak na walang kawala dito.
Ngunit ano nga ba talaga ang ibig sabihin ng "itlog"? Simple lang naman. Ito ay "egg" sa Ingles.

Sa kulturang Pilipino, maraming ipinapakahulugan ang salitang "itlog". Maaaring ito ang seatmate mong nagkamit na ng Guiness Book of Records dahil sa naiiba niyang katatagan at paninindigan sa pagiging kolehiyola hanggang sa pinakahuling hininga. Maaaring ito ang crush mong nagpalagay ng permanent tattoo (hindi henna) sa kanyang noo ng pangalan ng girlfriend niya na may cupid's arrow pa. Maaaring ito ang batugan mong bestfriend na iniatang na yata sa'yo ang buong buhay at ibinenta na sa'yo ang kaluluwa kahit na hindi mo naman binibili at kahit na mas marami ka pang sakit kaysa sa kanya (sa susunod ay magkakaroon ka na ng sakit sa puso). Maaaring ito ang kinukuha mong PE ngayon, at huhulaan ko: chess o scrabble ito. Nice PE. Maaaring ito ang ipinagmamayabang mong titulo: SINGKOlar ng Bayan (hindi Iskolar ng Bayan dahil pumapasok ka lang naman para tumambay). Maaaring ito ang katabi mo ngayo'y pilit na nakikisiksik sa kapiranggot na screen ng laptop mo at kinakabagan na sa kakatawa (kahit na wala namang nakakatawa). Maaaring ito ang makikita mo mamaya sa salamin kapag naghilamos ka na ng mukha matapos ang limang oras ng pagbababad sa computer. Maaaring ito ang bubugbugin mong manunulat na sumira sa araw mo.

Gayunpaman, ang usaping itlog ay hindi natatapos sa mga walang kuwentang bagay na kagaya nito. Sa katunayan, katulad nga nga sinabi ko, maraming ipinapakahulugan ang itlog sa iba't ibang samahan ng mga tao. Sa mga barako, ito ay ikinararangal; Sa mga babaeng `Pilipina', ito ay bastos; Sa mga babaeng liberal, ito ay nakatutuwa; Sa mga gustong magpa-convert, ito ay ipinatatanggal. Sa Obando naman, ito ay sagrado sapagkat ito ay nagsisilbing alay kay Sta.Clara; Sa mga nagmamanukan, magsasaka, palengkera, o magbababalot, ito ay kabuhayan sapagkat ito ang pinagkukunan nila ng hanapbuhay. Sa mga nutritionists, ito ay protein; Sa mga pulitiko, ito ay "way of life"; At sa mga sabungero, ito ay bagong pag-asa.

Higit sa lahat, napakahalagang tandaan na: "may bilog may bilog na hugis itlog"

Maging ano pa man ang pakahulugan ng iba't ibang uri at samahan ng tao sa "itlog", ang katuturan nito sa wikang Filipino ay mapapansing iisa lamang—ginagamit ito para sa isang negatibong aspeto: sa mga tamad, mahihina, nakakainis na tao, bagsak na marka, at double-meaning. Alam naman nating lahat na napakahalagang bahagi ng itlog sa hanapbuhay ng mga manggagawa at sa kalusugan (lalo na ng mahihirap, dahil sa MSG free ito at napakamura). Gayunpaman, ibinaba natin ang pagtingin sa "itlog" at binabalahura ito, na kitang-kita naman sa kung paano natin ito ginagamit sa ating wika. Ito ay dahil sa napakababang pagtingin ng ating kultura sa mga hanapbuhay na gumagamit ng kamay at puwersa, sa mga hanapbuhay na literal na madumi—iyong mga nakakapagpapawis, nakakaitim ng balat, nakadudumi ng katawan, at nakadudungis ng mukha katulad na lamang ng pagbubungkal ng lupa, pag-aalaga ng hayop, atbp.—na nakuha natin mula sa mga Kastilang mananakop. Ibig sabihin, ang uri ng kaisipang mayroon tayo sa kasalukuyan ay hindi na bago at hindi na lamang mula sa ekonomikal na aspeto. Ibig sabihin, ito ay isa ng pag-iisip, isa ng kultura, o sa mas madaling sabi, ideolohiya ng isang lahi. Ibig sabihin, ang kaisipan na ito ay hindi isang epekto kung hindi isang napakalalim na dahilan o salik sa kasalukuyang kalagayan ng Pilipinas, lalo na sa `pagiging huli' ng ating bansa. Kung pagbabatayan, ang Thailand, Malaysia, Indonesia, at Vietnam na dati-rati'y ka-hanay lamang ng Pilipinas ngunit ngayo'y patuloy na umuusad papaakyat at papalayo sa ating bansa, masasabing nangingitlog na nga ang Pilipinas. Sa huli, masasabing ang kailangang gawin ng bawat Pilipino ay huwag magpaka-itlog—magpakahusay tayo sa ating kanya-kanyang larangan—dahil kung maaaring maapektuhan ng isang itlog na ekonomiya ang pag-iisip ng mga tao, mas lalong maaaring maapektuhan ng mga taong nangingitlog ang ekonomiya ng bansa.

Ruth

Monday, January 18, 2010

Jologs

‘Jologs’ is perhaps one of the strangest slang words to come from the Philippines. At its core is a jumble of meanings whose only common denominator is its derogatory nature. It has been used to describe various things from the way the lower class acts and dress to the lower class itself.

Like its many meanings, its etymology is varied and contested. Two theories however have caught my attention. The first involves food—namely that the term came from the type of food the lower class ate—and the other involves our entertainment industry. Though I am well aware that both theories are dubious at best, the fact remains that they both have meanings behind them that can be explored in depth.

The food theory hypothesizes that the term came from the combination of dilis, tuyo and itlog, the usual fare of the poor. Of the two theories, this is perhaps the more malicious of the two and the more straightforward to explain in terms of base and superstructure in that the ideology from this word denotes superiority from the poor whose choice of viands is limited. At its core, it merely notes that the rich eat better and therefore have reason to look down at those who cannot, which in essence maintains constructed ideas of one’s place in the social ladder.

The entertainment theory on the other hand provides a more curious study. The popular idea explanation is that it was term used to name the fans of Jolina Magdangal (although some say that the term existed well before she became famous). In terms of ideology, this perhaps targets the ‘foolish’ way the poor act and their poor taste in fashion (i.e. the current trend where the caps are only placed halfway on their head etc.). What interests me however is the entertainment aspect of this explanation. It is a very good way of showing how the status quo is maintained by those in power. Consider the fact that ‘jologs’ with this etymology in mind attacks our local entertainment industry, long thought by the upper class to be unimaginative and low-brow in its offerings—in essence nothing more than trash. The irony however is that this is what is being shown precisely because this is what sells. Local entertainment is the way it is because education and the betterment of society is not the industry’s primary concern but profit. It is fed to the masses by the very people who look down on it as a form of entertainment and when your choices are so poor, what else could you do but watch…and be judged for it.

-Mark

U.K.

Sa panahon ngayon na naghahari ang konsyumerismo sa ating lipunan hindi naiiwasan ng isang indibidual na mamili ng mga gamit pampersonal o pambahay na materyal. Itinatakda kasi ng konsyumerismo ang mga kagamitang dapat bilhin ng mga tao at kasabay na rin ng ideyang umiikot dito; ang pagbili sa mga bagay ay hindi lamang simpleng pagpili sa pinakamura kundi sa pinakamahal na maaaring ipagmalaki at maipakita ang estado ng taong bibili at/o nagmamay-ari sa bagay. Nagiging mahalaga sa ganitong sistema ang tatak, presyo at pagkauso ng kagamitan kasunod na lamang ang kagandahan ng panlabas na kaanyuan. Itinataguyod ng konsyumerismo ang mga kagamitang gawa at/o galing sa ibang bansa dahilan sa may ideya tayong pangit at hindi matibay ang gawang Pilipinas. Sa ganitong takbo ng pamimili naitatanong natin ang katagang “saan mo nabili yan?” na isang pangungusap na may pagtatangkang alamin ang pinanggalingan ng isang bagay, isang pagtatangkang nababalutan ng iba’t ibang motibo, tulad ng nagagandahan ba ang nagtatanong o napapangitan. Kapag nakarining tayo ng sagot na made in U.K. ang gamit marahil ang unang mamumutawi sa ating bibig ay mayaman at sosyal ang nagmamay-ari. Dahil na rin ito sa pangkaraniwang ibig sabihin ng acronym na U.K. na nangangahulugang United Kingdom. Isa sa mga pinakaimpluwensiyal at pinakamayamang bansa sa mundo. At kapag doon galing at gawa ang materyal nakasisigurong matibay ito ngunit mahal ang presyo. Sa ganitong ideya ng imported na produkto isinilang ang bagong ibig sabihin ng U.K. at ito ang Ukay-Ukay. Dalawa ang ordinaryong ibig sabihin ng ukay-ukay, una ang lugar kung saan makakabili ng mga gamit na ukay-ukay; pangalawa ay ang mga damit o gamit na napaglumaan na ng nagmamay-ari kaya ibinebenta kumbaga 2nd hand na lamang. Sa ukay-ukay may dalawang kategorya, ang napaglumaang damit na dito lamang sa Pilipinas gawa at ang mga galing sa ibang bansa. Maging sa ukay-ukay makakakita rin naman ng mga totoong made in U.K. iyon nga lang hindi na bago. Ang pinagkaiba ng dalawang U.K. ay ang presyo nito. Dito makakabili ka ng P100.00 pababang mga damit hindi tulad ng bagong biling damit na made in U.K. na kahit isang libong piso ay wala ka pang mabibili. Maaaring kupas na ang kulay, butas ang ilang parte, may baho na hindi matanggal-tanggal at hindi pa sigurado para sa kalusugan. Dahil minsan nakakapagdala ito ng sakit mula sa pinagmulang tao tungo sa mamimili. Ngunit kahit sa mga ganitong problema ng pagbili patuloy pa rin itong tinatangkilik ng mga Pilipino. Bukod na sa nakamura maipagmamalaki pa dahil sa dala dala nitong sikat na tatak. Implikasyon ito na nakikibahagi ang mga mahihirap sa takbo ng konsyumerismo sa abot ng kanilang makakaya dahil na rin sa pagnanais nilang maging kapantay ng mga mayayaman kahit na lamang sa tatak ng damit na kanilang isinusuot. Naghahanap ng paraan ang mga masang naghihirap ng mga daan upang hindi sila magmukha at makaramdam ng kahirapan kahit na lamang sa damit at gamit nilang pagmamay-ari. Binabasag nito ang ilusyon na ang isang mamahaling bagay ay hindi maaaring mapasakamay ng isang masa. Ang U.K. ay isang katagang nagbagong-bihis na tanda ng paggising ng konsyumerismong pangmasa at nagpapalaganap ng pagkakapantay-pantay ng estado sa buhay pagdating sa kasuotan. Sa ganitong sitwasyon nagaganyak ang tao na mag-isip na kahit minsan naging mayaman sila sa labas ng kanilang tagpi-tagping bahay. Marahil isa lamang itong superpisyal at permanenteng mukha sa kung paano nilalabanan ng hikahos na masa ang lipunang pinaghaharian ng mala-burges na konsyumerismo. Kaya’t kung may pagkakataon man na tanungin mo ang isang taong nakatira sa ilalim ng tulay kung saan niya nabili ang kanyang damit huwag ka nang magtaka kung ang isagot niya ay made in U.K.

ADIK >:)

Sa totoong pagpapakahulugan, ang salitang adik ay nagmula sa ingles na salitang ADDICT na ang ibig sabihin ay “someone who is devoted to something that it resembles addiction” o kaya naman ay “to be dependent on something”. Napalitan sa letrang “K” ang dulo ng salita nang ito ay isinalin sa salitang Pilipino, datapwat ito ay naging “Adik”. Ang salitang adik ay may negatibong dating sa mga makakarinig nito. Dahil ito sa kadahilanang ang adik ay karaniwang naiuugnay sa mga taong lulong sa masamang gamot, o ang mga tinatawag na “drug-addict”. Nilalayuan ang mga taong gumagamit nang ipinagbabawal na droga sapagkat may paniniwalang ang mga ito ay nakasisira ng bait na at nakakawala nang sarili. Bagkus, ang adik na mayaman ay kaiba sa adik na mahirap. Ang mga mayayaman na gumagamit nang droga ay hindi masyadong itinuturing na salot ng lipunan sapagkat ang paggamit nila ay sinasabi lamang na libangan nang mga ito. Sa kabilang banda, ang mahirap na drug-addict ay pinaniniwalaang nasasangkot sa mga makamundong bagay tulad ng rape, murder at kung anu-ano pa. Kalimitang nakukulong ang mga mahihirap na adik, samantalang nilalagay naman sa rehabilitation centers ang mga mayayamang adik.
Gayunpaman, sa panahon ngayon ang salitang ito ay naging parte na lamang ng araw araw na bokabularyo ng isang normal na mamamayan katulad ko. Ang salitang ito ay naging katumbas na nang salitang “grabe”, “sira” at “exaggerated”. Ito ay nagbabago depende sa bigkas. Kaya kung ang isang tao ay sasabihan nang bansag na “Adik ka!”, hindi na ito negatibo pagkat ito ay naging natural na lamang at hindi na masama ang pagkahulugan.

-Kzia Manto

Saturday, January 16, 2010

Jabar!

Noong nasa elementarya pa ako, una kong narinig ang salitang “jabar” mula sa mga kakilala kong nasa high school. Ang tanong ko nang marinig ko iyon: ano nga ba ang jabar? Nangangahulugan pala itong bakas ng pawis (na makikita sa damit) hindi lamang sa may bandang kili-kili kundi minsan ay pati sa iba pang bahagi ng katawan. Akala ko ay sila lamang ang nakakaalam ng terminong iyon at sila-sila lamang din ang nagbigay kahulugan dito. Hindi ko lubos akalaing ginagamit pala talaga ito ng iba. (Lalo na ngayon at lumabas ang patalastas ng alak na The Bar, naging biru-biruan ang pagsasabing “I love JA-BAR” imbis na The Bar.) Isa pa sa ikinagulat ko ay matatagpuan na rin ang salitang jabar sa isang diksyunaryo sa internet, ang Urbandictionary.com.

Hanggang sa kasalukuyan ay patuloy pa rin itong naririnig na ginagamit. Ngunit sino nga lang ba ang nagsasambit ng terminong ito? Kung una ko itong narinig mula sa mga estudyante ng high school at mga halos kasing-edad ko ang madalas na naririnig na nagsasabi nito, malamang ay kabataan ang karaniwang gumagamit ng salitang jabar. Iyon nga lang ay hindi naman lahat ng kabataan ay sinasabi ito, lalung-lalo na ng mayayaman. Bilang isang salitang balbal, ang terminong jabar ay mas ginagamit ng mga hindi gaanong mataas ang antas sa lipunan. Kung sasabihin man ng isang mayaman ang tungkol sa pawis sa kanyang kili-kili, hindi niya gagamitin ang jabar. Malamang sasabihin niyang ito ay “sweat on my underarms.” Kung papansinin naman ang mga tinatawag na conyo ay may posibilidad na magamit ang “jabar” dahil pinaghahalo nila ang Ingles at Filipino sa pagsasalita. (Maaaring ang paraan ng kanilang pagsasabi ay ganito: “Oh my, this is so nakakahiya. I have a jabar on my shirt!”) Samantalang sa mga hindi naman ganoon kayaman, ginagamit ang jabar sa diretsong Filipinong pangunugusap. (Madalas pa ay malutong ang pagkakasambit ng salitang ito gaya ng, “Takteng jabar ‘yan…ang laki!”) Maliban sa paraan ng paggamit, kapansin-pansin din ang dating sa tao ng pagkakaroon ng jabar. Kapag mayaman ang nakitaan nito, hindi naman agad iniisip na mabaho ito. Ngunit kung mahirap, ang pagkakaroon ng jabar ay parang kakambal na ng pagkakaroon ng “putok” o mabahong amoy.

Jabar, isang termino ngunit iba-iba ang paraan ng paggamit at impresyon nito sa tao. Nakakatwa man pakinggan, ngunit sa likod nito ay isang hindi nakakatawang katotohanan: na mayroong lantarang pagkakahati ng mga uri sa lipunan at ang patuloy na paglaki ng agwat nito sa isa’t isa.

Thursday, January 14, 2010

puso =)

Kung literal na pagpapapkahulugan dito ay isang parte na katawan kung saan isa ito sa pinaka importante dahil ito ay responsable sa pag pump ng dugo patungo sa mga blood vessels natin na siya namang dinadala ang dugo sa iba't-ibang parte ng katawan. Ayan ang ilan sa pagpapakahulugan ng siyensa sa puso.
Kung tatanungin natin ang ibang tao kung ano ang kanilang pagpappakahulugan sa
puso ay isang representasyon sa sa parte ng katawan kung saan ito ay sumisimbolo ng pag-ibig sa isang tao. at mayroon itong ispesipikong korte na kahit sa pagpapaliwanag ng mga experto ay kasing laki ng ating "fist" Kaya na rin ganito ang interpretasyon ng mga tao dito ay sa kadahilanang tingin ng tao ay ito ay center of feelings, diba nga sinasabi ng mga ilan yung mga salitang "I love you from the bottom of my heart" na kung saan ay may paliwanang ang mga eksperto na hindi ito kadalasang hindi nangaggaling sa nararamdaman ng tao bagkus ay nagmumula ito sa tinatawag nilang hypothalamus. Isa na rin ay kung bakit ganoon ang pagpapapkahulugan ay sadyang mapagmahal ng tao, minsan nga ay sinasabi natin na ang isang tao na mabait at mapagmahal ay mayroong malambot o mabuting puso na kadalasan na masasabi nating may mabuting kalooban na siya rin madalas na tinutukoy ng mga tao na napaka abstrakto kung titignan mo, at ang mga masasakim ay matigas ang mga puso. At isa pang pagpapaliwanag ay isa itong ginagawang representasyon ng tao pag nasasaktan kaya sumikat ang salitang broken hearted at mga emo na rin na palagi nilang ginagamit na simbolo ang puso.Na kahit sa mga paliwanang ng mga eksperto ay ang mentalidad ng tao ang nakagagawa lamang nito (Sir pasensya na di ko kasi alam kung paano isususlat eh kung medyo naguluhan ka po ng kaunti)

Tuesday, January 5, 2010

Makamasang pag-aaral ng Wika

Ang makamasang pag-aaral ng wika ay masalimuot na landasin upang unawain di lamang ang wika ngunit maging lipunan - ang dynamics, ang tunggalian ng kapangyarihan na nagaganap sa loob nito at sa pagitan niya at ng iba pang lipunan.

Unang-una, sa pagturing sa wika bilang "maka-masa", tinatanggap na ang pagkakaroon ng "hindi maka-masa" na uri ng wika. Mayroong wikang kumakalinga sa pambalanang bahagi ng lipunan at mayroon ding wikang naglalayong ihiwalay ito sa "eksklusibong" bahagi ng lipunan. Sa ganitong paraan, nagagamit ang isa sa mga di matatawarang kakayahan ng wika upang magbuklod at maghiwalay. Maari ring maging instrumento ito sa pagpapanatili ng ganitong estado. Nagkakaroon at nawawalan ng mga pribilehiyo ang mga taong nabibilang sa dalawang bahaging ito. Sa sosyal na aspeto, ibinababa ng mga eksklusibo ang mga taga-masa dahil sa ekonomikal na "dispribilehiyo" ng mga ito. Sa kabilang banda, mas malaya naman sa anu mang balakid sa ekspresyon tulad ng moralidad, "euphemism" at iba pang mga sosyal na pamantayan ang masa kumpara sa mga eksklusibo.

Ang wikang pang-masa din ay isang kwantitatibong (quantitative) pagturing. Sa lipunang Pilipino, dahil mas nakararami ang nabibilang sa masa, ang wikang pang-masa ay iyong ginagamit at naiintindihan ng mas nakararaming Pilipino. Sa ganitong pagtingin, hindi istrikto ang linyang naghahati sa dalawang bahagi ng lipunan. Maaaring nakalalamang ang ekslusibo dahil maaari siyang "bumaba" mula sa kanyang kinaluluklukan, maari niyang gamitin ang mga "slang", salitang kalye/kanto, mga balbal, mga payak na pangungusap o ekspresyon. Ang mga taga-masa naman ay makapag-aaral, mkapagi-Inggles din sa pamamagitan ng panunuod ng mga palabas sa sine, telebisyon, at iba pa, upang makisalamuha gamit ang wikang iniluklok bilang "di-pang-masa".

Sa pag-aaral ng wikang pang-masa, maaaring maimapa hindi lamang ang lantad na pruwebang ekonomikal na salik ng pagluklok sa wika bilang makamasa at di-makamasa. Kung matatandaan sa sanaysay ni Ostler, maliban sa katotohanang ang mayorya ng istrukturang ginagamit nila ay pareho, masasabing ang dalawang wikang ito ay "intelligible". Ang mga indibidwal at kolektibong "idosyncrasies" ay nanaig kaya ninanais na maiba sa iba. Ang mga aspetong sosyal, sikolohikal ay natatalos din. Ang "behavior", kasaysayan, mithiin, prayoridad at landasin ng mga taong tumatangkilik dito ay nalalaman sa pamamagitan ng pag-unawa dito. Sa ganitong pagtanaw, isa itong landasin tungo sa mas mapayapa at "harmonious" na pamumuhay sa loob ng lipunang ginagalawan.

Bakit kailangan ng makamasang pag-aaral ng wika?

Anong silbi ng pinag-aaralan mo kung hindi mo naman naiintindihan at hindi ka rin naiintindihan ng mga nasa paligid mo? Lahat tayo ay parte at produkto ng lipunang ginagalawan natin at ganun na din ang wika. Ang wika ay nagsisilbing daluyan ng isip, damdamin, hangarin, hinaing, kultura, at kaluluwa ng isang lipunan. Ang makamasang pag-aaral ng wika ay isa sa mga susi upang mas malaman natin kung paano nga ba mag-isip ang mga Pilipino. Sa pamamagitan ng pagtuklas sa kasaysayan ng iba-ibang mga salita at ekspresyon, pag-obserba sa paggamit ng mga tao sa wika, pagtingin sa sistema, atbp. ay napakarami nating maaring malaman tungkol sa sikolohiyang Pilipino. At gamit ng kaalaman na mapupulot natin sa ganitong klaseng pag-aaral, mas madali na nating maipapahayag ng malinaw sa masang Pilipino kung anong tulong ang maari nating maibahagi bilang mga kasapi ng mundong akademiko. Sa ganitong paraan mas mapapadali rin ang edukasyon ng masa. 

                Hindi maikakaila ang pabigat nang pabigat na pressure na mag-aral ng mga dayuhang wika dahil sa walang pakundangang globalisasyong nagaganap. Hindi naman masamang naisin na makasabay tayo dito, pero hanggat hindi natin nasosolusyonan ang problema ng identidad, hanggat hindi natin nalalaman ang kung ano ang ating mga lakas at kahinan, patuloy lang tayong magiging alipin sa ibang mga bansa’t dambuhalang korporasyon at hindi talaga tayo magiging ganap na kalahok sa globalisasyon.

Totoong nakahuhumaling ang panandalian at pansariling aliw na binibigay ng palagiang paggamit ng “mataas na uri” ng wika. Pero dapat nating isipin na sa matagalang panahon ay walang makikinabang sa ganitong pag-uugali. Wala ka namang naibabahaging kaalaman kung hindi ka naiintindihan ng mga kausap mo. Maari pa nga itong maging sanhi ng lalo pang paglayo at pagkayamot ng masa. Huwag nating kakalimutan na umaasa sa isa’t-isa ang iba’t-ibang sektor ng lipunan at nakakasakit sa lahat ang lalo pang paglaki ng hidwaan sa pagitan ng mga ito.    

Sa madaling salita, ang makamasang pag-aaral ng wika ay magbibigay daan tungo sa mas epektibong palitan ng mga ideya sa loob ng lipunan at ito naman ang siyang magbibigay daan tungo sa inaasam nating pagbabago at pag-unlad.   

Sa Masa, Sa Lipunan

Ang makamasang pag-aaral ng wika ay pag-aaral na nararapat pumapatungkol sa masa at para sa masa. Ang masa ay hindi lamang ang mga mahihirap tulad ng inaakala ng iba. Ang masa ay binubuo ng mga proletarians o ang mga taong nabubuhay at dumedepende sa kanilang labor at angking kakayanan. Sila ang mayorya ng populasyon na siyang nagbibigay buhay sa ating lipunan, at siya ring nagbibigay buhay sa wika ng mga Pilipino ngayon.


Ang makamasang pag-aaral ay  para sa masa. Hindi dapat kasama sa layunin nito ang maging tunog intelektwal lamang. Hindi kailangan na ang pag-aaral ay upang makatanggap lang ng papuri o makasabay lamang sa uso. Ito ay dapat na makapagpaliwanag sa simpleng salita ng mga diskurso ukol sa wika. Hindi kailangan na gumamit ng mga salita upang maging tunog intelektwal. Nakararami sa atin, atin mang itanggi, na gaano man kagaling ang pagpapahayag nila ay maituturing pa rin na ignorante o walang laman ang pag-aaral na isinasagawa. Mas maganda na ang wika ay simple, o wika na rin na gamit ng mas nakararami. Upang maging makamasa, ang wika rin ay dapat na maiintindihan ng masa.


Ang tao ay hindi maihihiwalay sa wika dahil ito ang ginagamit bilang repleksiyon ng mga pagbabago at mga sistema sa ating lipunan. Kung kaya’t dapat ang pag-aaral ay nakatuon sa kung sino ang mayorya sa isang lipunan upang malaman ang kalikasan ng wika. Kung paano ang kanilang paggamit, ang kanilang layunin at ang ang mga ideyang sinusuportahan nito na makikita sa pamamagitan ng pag-aanalisa at paglalalim mula sa paligid kung saan patuloy na nagbabago ang wika.


Ang makamasang pag-aaral ay hindi lamang dapat nakatuon sa tamang konstruksiyon ng salita at mga pangungusap, o sa tunog at morpolohiya. Dahil sa likod ng mga arkitektura at musika na hatid na wika, nandoon ang tunay na mas mahalagang repleksiyon ng realidad. Naroroon ang mas kailangan na bigyan ng paliwanag- ang sanhi at bunga ng pagbabago. Ito ang mas magbibigay paliwanag sa ating mga masa at sa ating lipunan. 


--Queene Tumaque

Makamasang Wika Bilang Sandata

Sa panahong nasa maigting nang antas ng kapitalismo ang nararanasan ng mga mamayan sa buong daigdig, ang kalagayan ng bawat bansa ay labis na naaapektuhan, isa rito ang Pilipinas. Bilang bansang may etiketang "ikatlong daigdig", mahabang panahon na tayong nananatiling maraming hakbang mula sa likod ng mga imperyalistang bansa. Hawak tayo sa leeg ng mga imperyalista, hawak nila ang ating buhay, paglago, at pagkatuto. Bilang bansang kinakatasan ng mga hilaw na kasangkapan, nagiging tambakan ng mga labis na produkto at nangungunang biktima ng pang-ekonomiyang hidwaan ng daigdig, ang pag-unlad ng bawat mamamayan ay nahahadlangan. Kaakibat nito ang historikal na paglago ng bilang ng mga taong nananatili sa mababang uri ng lipunan, na nabibigyang depinisyon ng estadong pang-ekonomiya.



Sa pagtutukoy ng makamasang wika sa Pilipinas, iisa at iisa lamang ang lalabas na kasagutan, ang Filipino. Tukoy ang Filipino bilang makamasang wika bilang ang masa (nakararaming bilang ng tao), o sangkalakhan ng ating populasyon ay gumagamit at nagkakaintindihan gamit ang wikang nabanggit.



Hindi maikakailang alipin ang ating ekonomiya, pulitika at kultura ng mga Imperyalista, kung kaya ang ating pangunahing industriya ay hindi para sa ikauunlad ng ating bayan, kundi nila, ang batayan ng pamumuno ay hindi para sa kapakanan ng mamayan sa 'ting bansa ngunit para sa kapakanan ng iilan sa ibang bayan. Nakababahalang halos lahat ay nahuhumaling na rin sa kulturang impe at dayuhan kung kaya ang pagbubuklod natin bilang bayan ay hindi maisakatuparan, halimbawa ay ang indibidwalistang kulturang dala ng "ako mismo" na ang malinaw na hangad lang naman ay kapital. Kung tutuusin, sa bandang huli, hikaos man o mayaman, tamang pagkakaintindihan ang tanging kailangan para matuldukan ang pansasamantalang ating nararanasan hanggang sa kasalukuyan. Sa persona ng ating wika, natutukoy ang kasagutan, ngunit ang hamon ng pag-aksiyon at paraan ng paggamit nito bilang punglo ng ating armas ay nananatiling isang malaking katanungan.

Mahal ang Filipino

Ikalawang araw ng taon ang una kong paglabas (na sa ‘king termino ay paglalakwatsa). Sa pag-iikot sa Gateway, napapasok ako sa tindahan ng Fully Booked. Maraming aklat ang lubos na nakapukaw ng aking pansin. Mga nobela, istorya, at iba’t-iba. Pagdating naman sa Filipiniana Section ng tindahan, napukaw ang aking pansin ng isang aklat na pinamagatang “Mga Atraso ni Erap”, katipunan ito ng mga editorial at mga kolumn ng diyaryo hinggil sa ating dating Pangulong Estrada na kritisismo sa panahon ng kaniyang panunungkulan. Natuwa akong bulkatin ang aklat na halatang nagdaan na sa maraming pares ng mga kamay, ngunit nanatiling hindi binibili sa kabila ng mura nitong presyong Dalawandaang Piso.





Sa kabila ng pagkatuwa sa aklat, nabaling naman ang aking atensiyon sa isang aklat. “Ano ‘yon, Ano ‘yan? The whats and whys of being a Fiipino” ni Cynthia Sta. Maria Baron ang titulo ng aklat. Isa itong diksiyunaryo na nagbibigay ng kahulugang Ingles sa mga Filipinong salita.



Sa aking pagbasa sa mga unang dahon ng aklat, binasa ko ang mga kahulugang ibinigay ng may-akda sa bawat salita, pati na ang pagbibigay nito ng introduksiyon sa A na unang letra sa ating alpabeto. Ganito ang kanyang pagkakasulat:





The Letter A




In Filipino, the letter A is pronounced like the English A. But the words that have the letter A are mostly pronounced like the A in arm, not the short A in apple. It’s like saying ah!







Aba [ah-bah] an expression of surprise or indignation. It is usually uttered by an older, wiser person to someone younger, less experienced. First of many words your grandmother could say when you, at 35, tell her you are old enough to live your own.












Sa ‘king palagay, napapalayo ang konteksto ng kahulugan ng isang salita sa pagdadagdag pa ng mas marami pang mga salita, depinisyon o ideya. Sa kabilang banda naman, may bago akong natutunan sa librong nabanggit. Nalaman kong ang jerjer (na matagal nang nagagamit pangkahulugan sa salitang pagatatalik) ay isa palang salitang Bisaya na halaw sa salitang Ingles na sa Bisaya, ang kahulugan ay pareho sa aking nalalaman. Sa maraming taon, pinaniwalaan kong ang salitang ito'y kolokyal at kahanay ng iba pang salitang naririnig sa araw-araw tulad ng chorva, ek-ek, chenes, at iba pa na umusbong mula sa paglalaro natin ng mga salita. Mga salitang karaniwa'y impormal napapangahulugan, mga kahulugang napagkasunduan lamang ng iilan at masasapit sa pagpapasa sa pagdaan ng panahon.







Magandang basahin ang mga aklat na akda ng ating mga kababayan para mas maging pamilyar sa 'ting sariling wika. Sayang nga lang at sobrang sandali lamag ang panahon ko upang makaniig ang aklat. Nais ko mang bilihin, hindi ko makakaya bilang limandaang piso ang halaga ng aklat. Kailangan munang mag-ipon.







Sa halagang iyon, maraming nobela na ang aking mabibili sa mga book sale, na kadalasa'y Ingles. Dahilan ng pagkawalay ng ilang Pilipinong mambabasa sa akda ng kanilang mga kababayan, higit doon ay ang pagkawalay sa lubos na pagkatuto sa sariling wika.

Wika sa Pilipinas at Daigdig

Sa mga kaisipang inilahad ni Nicholas Ostler sa babasahing Languages Today and Tomorrow, nais kong bigyan ng pansin ang pagbanggit niya sa iba't-ibang naging kalagayan ng iba't-ibang wika, gaya ng naging kalagayan ng wikang Latin na hindi naging matagumpay sa pananatili dahil sa pagkawala ng populasyon ng mga taong gumagamit ng nasabing wika. Sa pagsasakonteksto ng kaganapang ito sa Pilipinas, maaaring ang wikang Tagalog ay nagtamo ng parehong karanasan sa Latin. Maaaring ito'y ganap nang (o kung ganap man) hindi ginagamit sa kasalukuyan ngunit sa kabilang banda'y mayroong bago o modernong porma ng wika na ginagamit ng mga Pilipino sa kasalukuyan, ito ay ang Filipino na hindi maikakailang wikang Tagalog rin ang pinaghugutan. Sa usaping Latin, kasalukuyang ginagamit naman ang mga kapatid nitong wika gaya ng Espanyol, Aleman at Ingles, na kasalukuyang naghaharing wika sa daigdig.


Mapapansin rin ang hayag at diretsong paglalahad ni Ostler ng kasalukuyan at hinaharap ng wikang Ingles na sinasabing naghaharing wika sa kasalukuyan hanggang sa mga sususnod na panahon. Inilahad na ang nasabing wika (at ang French) ay may kaakibat na kapangyarihan, simbulo ng denominasyong kolonyal at higit sa lahat ay susi ng pagkakaroon ng partisispasyon sa globalisasyon dahil sa kulturang moderno at popular. Sa konteksto ng Pilipinas, hayagan ang ganitong katayuan ng wikang Filipino, na sa mahabang panahonay pinaniwalaan at pinaniniwalaang wika ng mga edukado, ng mga pantas bilang ang sentro ng kapangyarihan sa 'ting bansa sa ngayon ay sa kamaynilaan. Ngunit hayag rin na di hamak na mas nakararami ang gumagamit ng wikang Cebuano dito sa ating bansa. Sa ganitong punto pumapasok ang usapin sa kalagayan ng Mandarin Chinese bilang wika. Di hamak na mas marami ang bilang ng mga gumagamit ng wikang Mandarin kung ikukumpara sa mga gumagamit ng Ingles, kung kaya sa paglipas ng panahon, maaaring malagay ang Mandarin sa kasalukuyang katayuan ng Ingles, na posibleng maging karanasan rin ng wikang Filipino at Cebuano sa hinaharap.

Sa ideya rin na ang wika ay maaaring magkaroon ng halaw o bagong porma na ang batayan ay ang lugar ng pagkatuto ay lubos ko ring sinasangayunan. Sa probinsiya ng aking mga magulang, sa aming mga pagbisita roon, napansin kong ang mga batang pumapasok sa eskwelahan lamang ang matatas sa pagsasalita at pag-unawa ng wikang Filipino. Bhagya mang naaapektuhan ang tono ng kanilang pananalta, pagbabaybay at pagbibigay kahulugan ay may bahagyang pagkakaiba sa mga batang namulat at natuto sa mga siyudad ng Kamaynilaan. Kadalasan kasi'y napaghahalo nila ang wikang una nilang natutunan sa wikang Filipino. Kung tutuusin, karamihan sa mga tao sa probinsiya ay sa eskwelahan lamang ginagamit at mas natututunan ang wikang Filipino kaya't hindi lahat ay marunong gumamit nito. Sa kalagayang ito, ang hilagyo ng lugar at antas ng pagtuturo sa mga paaralan bilang institusyon ay natutukoy.

Sa mga nakaraang babasahin hinggil sa wika, kapansin-pansin ang magkaibang atake ng dalawang may-akda (Nicholas Ostler at David Crystal) sa paglalahad ng mga kalagayan ng wika. Si Crystal ay mas natuon sa pagbibibigay at paglalatag ng mga kaalamang napag-aralan na at napatunayan na ng ibang mga linggwistiko at siyentipiko. Kapansin-pansin na walang kamalayan na nanggaling sa may-akda. Habang si Ostler naman ay hayagang tumumbok sa mga kaisipang kanya mismong napag-aralan at naanalisa. Sa mga ideyang nais ipaunawa ng mga manunulat, ang hiwaga ng tunay na kahihinatnan ng mga wika ay tunay paring palaisipan- mawala, hahalawan at panggagalingan man ito ng bagong wika o hindi magbabago sa matagal na panahon.

Makamasang wika, dapat lang.

Aminin na natin. Mayroong mga pagkakataong nadadala tayo sa mga bagay na idinadaan sa wikang tunog-sosyal o kaya'y 'nosebleed' ang antas. Aminin na rin natin na nagaganap ito kahit pa wala naman talaga gaanong kalidad ang ating nababasa o nadirinig. Nakatatawa ngunit pawang may katotohanan. Tunay ngang malaki ang nagagawa ng wika sa pagpapaangat ng epekto o dating nito sa sinumang mambabasa o tagapakinig: mas malalaking mga salita, mas mukhang matalino; mas tunog-sosyal, mas patok.

Sa ganitong kalakaran, di na nakapagtataka kung nilalamon man ng mas mataas na lebel na wika ang pang-masa at ang produkto: isang lipunan ng mga taong ninanamnam ang kaigayahang dulot ng elitistang wika habang ang karamiha'y napapakamot na lamang ng ulo dahil di makaunawa o mas malala pa, kun sino pa minsan ang mga taga-tangkilik, sila ring may mga lihim na suliraning kaakibat ng kahirapan sa paghinuha.

Kaya naman, kung ganito rin lamang ang magiging kalabasan, mas nararapat na lamang na paigtingin na lamang ang pag-gamit at makamasang pag-aaral ng wika tutal naman, pagkakaunawaan ang isa sa mga pinakamahahalagang layunin ng wika. Sa ganitong pamamaraan, mas makasisiguro pa tayong mas malaking bahagdan ng populasyon ang makakaintindi ng mga bagay-bagay at gayundin, makapagdudulot ng pagbawi ng masa imbes na pananatili bilang mga api at napag-kaitan sa aspeto ng wika. Mababatid rin sa puntong ito na kung magkakaroon ng katuparan ang pagpapalakas ng makamasang wika, para na ring pinalaya ang masang Pilipino sa bilangguan ng di maabot na wika.

Oo nga't paminsa'y masarap pa rin sa mata at pandinig ang elitistang wika. Ngunit higit pa man dito, mas mabuti na ring isaalang-alang ang interes ng pinakamalakas na pwersa ng lipunan: ang masa tutal, hindi rin naman tayo lugi sa ganitong sistema dahil gaya nga ng sabi ni Horace sa Epistle to the Prisones: "It is not enough for the poems to be pretty; they must have charm and they must take the heart of the hearer wheresoever they will." Samakatuwid, hindi sa lahat ng pagkakataon ay ang ganda ng porma ng mga akda--na kadalasa'y nakasalalay sa wika--ang mas mahalaga kundi ang kakayanan nitong kumonekta sa madla.

Makamasa? Posible.

Isang matagal nang palaisipan kung posible ang ideya ng isang pag-aaral ng wika sa pamamagitan ng makamasang pagtingin. Kung marami ang naniniwalang maaaring mabuhay ang isang pag-aaral na tulad nito, nakahihigit ang bilang ng tumataliwas dito.

Sa isang panahong namamayani at patuloy na umaangat ang ideya ng globalisasyon, maaaring kaagad ay magpasiya tayong walang puwang ang makamasang pag-aaral ng wika dahil sa pagtingin lamang natin patungo sa nakapang-aakit na kamay ng globalisasyon. Kailangang palabas ang pag-aaral na gagawin upang makasabay sa globalisasyon. Isinasantabi ang pagtingin ng mayoryang populasyon at bukas-palad na tinatanggap ang mga kaalamang galing sa labas na niyayakap ng mga elite ng lipunan.

Kaiba sa inaakala ng marami, posible ang makamasang pagtingin sa pag-aaral ng wika. Mas mabisa at madali itong proseso. Ang masa o ang nakahihigit na populasyon ng isang lipunan ay siyang nagdidikta ng daloy ng pagbabago ng lipunan. Ehemplo nito ang mga soap opera sa telebisyon na iniaangkop sa lasa ng masa upang magtagal at pumatok.

Kung iaangkop sa panlasa at pagtingin ng masa ang isang pag-aaral ng wika, mas makasisiguro tayo na tama ang mga datos o impormasyong makukuha. Mas tiyak ang mga impormasyong ito dahil galing ito sa mayoryang populasyong bumubuo sa isang daynamikong lipunan, humuhugis at nagdidikta ng maraming pagbabago.

--japa miranda

Makamasang Wika sa Modernong Panahon

Hindi naman natin maikakaila na sa lipunang ating kinabibilangan ay may mga bagay na inuuri at mas nakatataas o nakalalamang. Ang ganitong kalagayan ay kadalasang itinatakda lamang ng mga tao may kapangyarihan. Ganito rin ba ang lagay sa usaping pangwika sa Pilipinas? Sa kasalukuyan, mapapansin natin na patuloy na nagkakaroon ng pagbabago at lahat naman ay nais na makisabay sa mga pagbabagong nagaganap sa kapaligiran. Ngunit lahat nga ba ay may kakayanang makisabay at kailangan bang daliang magkaroon ng pagbabago? Maraming katanungan ukol dito , lalo na sa wikang Filipino. Pilit ibinabagay ang Filipino sa mga pagbabago sa lipunan. Ngunit marapat din natin tingnan na ang malaking porsyento ng populasyon ng Pilipnas ay masasabing nabibilang sa masa. Madalas sabihin na nakabatay ang mga batas at iba pang usapin sa nakararami. Sa usaping wika ang nakararami nga ba ang pinagbabatayan? Sa aking palagay malaki ang pagkakaiba ng wikang makamasa sa wikang itinatakda ng batas. Hindi naman lingid sa ating kaalaman ang ibig sabihin ng masa at sila nga ang bumubuo ng atin populasyon ibig sabihin sila ang nagdadala ng tunay na kultura ng mga Pilipino. Kung gayon sa marapat na ituon ang pag-aaral sa wika ng masa dahil masasabing ito ang tunay na wika ng mga Pilipino. Oo, tama naman ang makisunod sa mga modernisasyong nangyayari sa paligid ngunit mas makabuluhan kung lilinangin mo na natin ang sariling atin. Tuwing sinasabi natin ang makamasang wika ito ang wika na ginagamit ng mga pangkaraniwang Pilipino sa pang-araw araw na buhay.Ito ang dapat nating paglaanan ng pansin dahil ito ang tunay na nagbibigay ng identidad sa ating mga Pilipino. Sa mga polisiyang pinapatupad maari nating masabi na ang makamasang wika ay hindi na nabibigyan ng pansin. Marahil ang makamasang pag-aaral ng wika ay makaktulong upang linangin at pagyamanin pa ang tunay na wikang Pilipino. Kahit na patuloy ang pag-usad ng mundo sa modernisasyon, hindi naman masama ang pag-usad tungo sa sariling modernisayon ng wikang Filipino at isang paraan tungo dito ay ang pagbibigay ng halaga sa makamasang wika.

Fearless Forecast


Ang Filipino at Ingles bilang una at ikalawang wikang ginagamit sa Pilipinas ay sinusundan ng ilang mga wikang sinasalita ng maraming bilang ng mga Pilipino. Ang Bisaya, Sebuano at Hiligaynon ay mga wikang lumalawak ang gamit. Sa tatlong ito, nakikita kong ang Bisaya ang may malaking potensyal na pantayan ang wikang Filipino.

Batay sa nabasa kong artikulong Languages Today and Tomorrow, ang isang wika ay lumalawak ang gamit kapag ito ang ginagamit sa capital o sentro ng isang partikular na lugar. Totoo ito sa kaso ng Filipino na gamit sa NCR at karatig lugar sa Luzon ngunit ganito rin ang wikang Bisaya; ginagamit ito sa Cebu na itinuturing na sentro sa tatlong rehiyon ng Visayas at pati sa Mindanao. Tulad ng Filipino, may komersiyal na gamit din ang Bisaya dahil ginagamit ito sa komersiyal na lugar tulad ng Cebu at Aklan. Kung ang dami ng taong gumagamit ang pagbabasehan, humahabol ang Bisaya sa Filipino. Katunayan, pumapangalawa na ito sa mga wikang ginagamit ng nakararami. Kapansin-pansin din ang migration o paglipat-tirahan ng mga taga-Visayas sa Luzon, lalo na sa NCR kung kaya’t hindi imposibleng gamitin ito ng mga Tagalog. Ang coverage ng Filipino ay halos nakasentro lamang sa Luzon habang ang Bisaya naman ay ginagamit na rin ng maraming nasa Mindanao at Katagalugan.

Ang Ingles ay laganap na ring ginagamit sa bansa. Katunayan, ito nga ang mas pinapaborang wika sa ating sistema ng edukasyon at tila mas ginagamit pa itong wikang panturo kaysa sa ating wikang Filipino. Sa ngayon, ang Ingles ay mas may kakayahang pantayan o kaya’y higitan ang bilang ng mga taong gumagamit ng Filipino dahil sa kanyang pagkakaroon ng global coverage o international use ngunit para sa akin, ang Filipino pa rin ang wikang maghahari matapos ang dalawampu o higit pang mga taon. Laganap nga ang Ingles ngayon ngunit ang Filipino pa rin pinakamabisang wika ng komunikasyon dahil ito ang mas nakakaangkop sa ating mga karanasan. Sa isang panahong ang mass media ay nagsisimula na muling bumalik sa wikang Filipino (mga soap opera, balita at mga programang Filipino ang wikang gamit), mas nakikita natin ang flexibility ng Filipino. Isang patunay na rin ng flexibility na ito ang pagsisimula ng ilan na isalin ang ilang terminong pang-agham mula Ingles sa Filipino.

--japa miranda

Monday, January 4, 2010

Wika ng Masa at ang Pinaghugutan Nito

Ang masa o middle class ay mayroon sariling wika na kaiba sa mga elitista o upper class. Karamihan sa mga ito ay nagmula sa iba't-ibang karanasan ng mga tao mula sa "middle class" at ang iba ay hango rin sa wika ng mga elitista na pinalawak lamang ng masa upang maging angkop sa lipunan na kanilang ginagalawan. Maaring halimbawa nito ay nag pagsasalita ng ingles ng mga elitista. Ang pag-iingles ay natural na lamang sa mga elitista dahil sila ang nakaaangat sa lipunan at ang pagsasalita ng wikang ingles ay nagpapakita ng kapangyarihan at estado ng isang tao sa lipunan na kanyang ginagalawan. Ngunit ang masa ay ayaw magpahuli sa ganitong pangyayari kaya't ang pag-iingles ng mga elitista ay ginaya ngunit pinalawak pa ng masa. Ang malaking pagkakaiba lamang ay taglish at hindi pormal ang uri pagsasalita ng masa kumpara sa mga elitista.


Kahit na ganito ang pagbuo ng masa sa wikang kanilang ginagamit ay malaki ang impluwensiya ng mga ito na napapatunayan sa mabilis na paglaganap ng wikang pangmasa dahil na rin siguro sa dami ng bilang ng mga tao na gumagamit nito o nabibilang sa middle class. Bukod pa sa paglaganap ng pagsasalita ng taglish ng masa ay mayroon pang ibang paraan ng pagbuo ng wika ang masa na naiimpluwensiyahan ng media na malaking parte ng buhay ng mga tao na nagmula sa middle class. Bukod pa dito ay maraming salitang bakla o gay lingo ang laganap ngayon sa mamayan dahil sa nakatutuwang pagbuo nito at kakaibang salita na simple lamang pala ang ibig sabihin gaya ng salitang thunders na ang ibig sabihin pala ay isang tao na matanda na o mayroon ng edad.



Hindi pa dito natatapos ang pag-aaral ng makamasang wika sapagkat araw-araw itong nagbubunga ng panibagong wika na dapat pag-aralan kaya't hindi ito madali sapagkat kung mayroong bagong dumarating ay mayroon naman napapalitan o nawawala.

Wikang Patok

Ang lipunan ay binubuo ng mga mamamayan na nabibilang sa iba’t ibang antas. Kalimitan nang ang antas na ay nahahati sa dalawa; ang mataas at mababang lipunan. Ang mataas na lipunan, base sa aking obserbasyon, ay kinabibilangan ng mga taong nagbuhat sa mayayamang mga pamilya; mga taong may malalaking pagaari at mga taong may kapangyarihan. Sa kabilang banda, ang mababang lipunan ay binubuo ng mga odinaryong mamamayan: mga pamilyang nasa “middle class”, mga taong nasa ibaba ng status quo at mga taong nasa ilalim ng kapangyarihan ng mga nasa mataas na lipunan. Ang madlang ito ay ang madalas kung tawagin natin na masa. Ang masa ang bumubuo sa pinakamalaking pangkat ng mamamayan sa bansa. Bagama’t hindi kabilang sa mataas na antas ng lipunan, ito ay nananatiling maimpluwensiya sa maraming bagay sa lipunan. Isa na rito ang malaking kontribusyon ng masa sa ating wika.
Ang makamasang wika ay wika ay ng mamamayan na binigyang kahulugan ng masa. Ang uri ng wikang ito ay produkto ng mga karanasan ng bawat isa sa mababang lipunan sa estadong kanilang ginagalawan. Ang wikang ito ay bunga ng pagsusumikap ng mga tao na magkaisa at magkaintindihan. Subalit kahit na ito ay ginagamit nang maraming tao, ito ay mahirap pa ring suriin at pagaralan sapagkat ito ay “diverse” at dahil na din sa mabilis nitong pagkalat. Ang wika na ginagamit nang masa ay binubuo ng mga salitang maaaring hindi pormal na itinuturo sa araling Pilipino at mga salitang nabuo lamang dahil sa maling paggamit o maling pagbigkas.
Nasa kultura na ng mga Pilipino ang pag-iimbento ng mga bagong salita at paggamit ng salitang banyaga na isasama sa wikang sarili. Ang mga slang na salita, kung tawagin natin, ay produkto nang malikhaing isip ng mga tao para bigyan ng kakaibang dating sa pandinig ang kanilang wika at para na din magkaroon ng sariling “identity” ang kanilang mga salita. Madalas pa nga, ang mga salitang ito ay nabubuo sa pagnanais na tumaliwas sa pormal na gamit ng wika na ipinanukala ng mga tao sa mataas na lipunan. Ang Gay Lingo, o ang lenggwaheng ginagamit ng mga mamamayang kabilang sa third sex, ay ang pinakamagandang halimbawa ng wika nang masa. Ang ganitong uri ng wika ay hindi lamang eksklusibo sa mga bakla, sa katunayan, malaking porsiyento ng populasyon ang pamilyar sa mga salitang ito at mangilan ngilan na din amg mga salitang naipauso ng lenggwahe na ito. Kabilang dito ang mga salitang chikadora, erpat o fadir, tepok at bongga. Ang wikang tulad ng mga ito ang nag-dedefine sa wika ng masa.

-Manto, Katrizia

Sunday, January 3, 2010

Pag-aaral ng Makamasang wika, sagot sa Kahirapan

In stark contrast to the to the meritocratic Chinese political system, political clans still reign in the Philippines. A 2007 study by the Philippine Centre for Investigative Journalism (PCIJ) shows that two out of three lawmakers in the two-hundred-fifty member House come from political families, the majority of them second- and third-generation politicians… A report in April 2007 by the Makati Business Club showed that only one third of the eighty six bills passed by the Congress were of National Importance. In short, the Philippines is still crippled by the traditional Asian feudal mind-set while both China and India are progressively shaking it off.” 1


Tunay ngang nakababahala na ang pyudalismo na umiiral sa ating bansa. Ito ang pulot-dulo ng kapulpulan ng bansa, at ng mga Pilipino. Habang ang mga mayayaman ay patuloy na umaakyat sa hagdan ng kayamanan, ang mga mahihirap naman ay lalong nalulugmok sa kahirapan. Bukod pa dito, mabilis nang nauubos ang mga middle class na tagapag-balanse sana ng dalawang nag-uumpugang class sa dulo ng klasipikasyon dahil sa humihirap na ang buhay at bilang resulta, ay napabibilang sa lower class. Ang napakalayong agwat at patuloy pang paglayo na ito ng mahihirap at mayayaman ang pyudalismo. Ito ang tinututukan ng mga international at Asian analysts sa kasalukyan kapag Pilipinas na ang pinag-usapan, dahil sa kakatuwang ang Pilipinas na lamang ang sumusuyo sa pyudalismo habang ang mga kapitbahay na bansa ay meritocracy na ang ipinalit.


Hindi lamang ang mga analysts mula sa ibang bansa at mga analysts na Pilipino ang tumutok sa mabigat at nangangalawang nang suliranin ng bansa. Pati mga eksperto sa wika ay nakisangkot at nakaggawa ng tugon ukol sa usapin. Ang makamasang wika ay naging isang pagunahing pag-aaral sa mga akademya.


Kung mapag-iisip ng mabuti, ang usapin ngayon sa makamasang pag-aaral ng wika ay hindi na ‘kung ang wikang Filipino ba ay ang wikang pang-masa?’ dahil alam naman nating lahat na ‘OO’ ang sagot o ‘mahalaga ba ang pag-aaral ng makamasang wika?’ dahil alam rin naman nating lahat na ‘OO, napakahalaga nito’. Ang wika ng masa ay Filipino dahil sa ito ang wikang naiintindihan at ginagamit ng mahihirap. Halimbawa na lamang, ang wikang ito ang nagbibigay ng daan sa mahihirap na matutunan ang mga bagay-bagay na itinuturo sa paaralan, makapasok sa magagandang eskuwelahan, at makaangat patungong middle class. Bukod pa dito, ito ang wikang naiintindihan ng kahit pa middle class o mayayaman na Pilipino na nangangahulugan lamang na sa oras na magpahayag ng hinaing o kung anupaman ang mahihirap ay maiintindihan ito ng mga nasa upper class, ng mga nasa katungkulan.


Gayunpaman, ang mga nasa katungkulan ay may abilidad na magbingibingihan. Kaya’t ang tunay na usapin at suliranin sa makabagong pag-aaral na ito ng makamasang wika ay ‘kung papaano kaya nito maisasakatuparan ang mga hangarin nito--at iyon nga ay ang pag-uugnay ng iba’t ibang sekta sa lipunan partikular na ang mayayaman at mahihirap? Papaano kaya mababatid ng mga nasa puwesto ang kahalagahan nito?‘. Ang pag-aaral ay ang unang hakbangin pa lamang at sana, hindi na lamang ito manatili sa pag-aaral at sa teorya dahil sa ito ay higit pa sa isang akademyang pagsusuri o usaping pang-wika-- ibinabalik nito ang katuturan sa pagka-Nasyon ng Pilipinas; binibigyang halaga at paggalang nito sa ang pagiging miyembro ng isang bansa ng bawat Pilipino. Ang makabangong pag-aaral ng makamasang wika ay isang tugon sa suliranin, solusyon sa epidemyang laganap sa buong Pilipinas kaya’t dapat sana ay gawin itong kasangkapan hindi lamang sa pag-aaral kung hindi para sa ikauunlad ng Pilipinas.



1 Binanggit sa Mahbubani, Kishore, The New Asian Hemisphere: The Irresistible Shift of Global Power to the East, p.73.

-r. ibarrientos

Wika: Makamasa?

Ang makamasang pagtuturo ng wika ay unti-unting nabubura sa ating mg memorya ukol sa kung ano ba talaga ang wikang Filipino. Ang trahedya dito ay habang hindi na natin alam kung ano ito, hindi narin natin alam kung papaano maging mga Pilipino. Ang ating mge isip ay namamantsyahan, naguguluhan, at nakatuon lamang sa kung paano tayo magtutunog matalino at makatwirang tao, na ibinabase natin sa paghuhusay ng bokabularya ng ibang mga wika. O di rin kaya kung paano tayo lilitaw bilang mga “elite”--alam ang lahat ng mga bagay-bagay sa buhay, nang sa katunayan ay tumatalikod na tayo sa kung ano at sino tayo talaga.

Subalit ano nga ba ang makamasang pagtuturo ng wika? At papaano ito mai-aangkin muli ang kanyang lugar?

Ang makamasang pagututuro ng wika ay dapat na kilalanin ang mga aktual na mga taong lumalahok sa araw-araw na paghihirap sa buhay. Mga taong kasangkot sa mga situasyong kailangang magapi sa ating bansa. At ang mga taong handang magsama-sama upang maipaglaban ang kanilang mga karapatan bilang mga Pilipino. Ito ay konsern sa katunayan na mahigit 32 milyon ng mga taong ito na nabubuhay sa ilalim ng 32 pesos sa isang araw, ay maari lamang, at hindi kumpletong, « functionally literate », Tunay nga na ang makamasang pagtuturo ng wika ay dapat na unahin ang mga pangangailangan ng mga taong ito, ang ating mga tao, upang lubusang yakapin nila ang kanilang pagiging mga Pilipino, na matutunan ang kanilang pangunahing wika, at marahil maasahang mabigyang ang mga Pilipino ng marka sa mundo.

Sa aking palagay, na upang maalala natin ang wika na dating ipinagmamalaki natin, nangangailangang kilalanin natin kung sino tayo bilang mga Pilipino. Hindi tayo Kastila. Hindi tayo Amerikano. At hindi rin tayo Hapon. Kundi tayo ay mga Pilipino. At hindi man natin kasalanan na ang iba’t-ibang mga bansa ay sinisintang kumalakal sa atin, na nangangailangan na ng ating wika na sumulong mula sa matibay ngunit marikit na wikang Tagalog, tayo parin ay Pilipino.

Sapagkat kailangan natin isaisip at maging tiwasay sa katotohanan na tayo ay kung ano tayo—isang lahing may malagong kultura at wika, hindi para ipagkapoot, o apakan ng ating mga mananakop, kundi upang mgsama-sama sa iisang tunay na bagay na makapag-bibigkis sa ating lahat:

Filipino.

-de Ocampo